Advertisers

Advertisers

Hiling ng OFWs na lumikha ng DOOF, pakinggan — Bong Go

0 449

Advertisers

NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kapwa mambabatas at sa executive officials na pakinggan ang apela ng overseas Fililipino workers na lumikha na ng isang departamento na tututok sa concerns ng OFWs, lalo’t marami sa kanila ang labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic ng iba’t ibang krisis.

“Huwag nating kalimutan na mahigit ten milyon ang overseas Filipinos natin. Ibig sabihin, mahigit 10% ‘yan ng buong populasyon. Dapat mayroon silang departamento na nakatutok sa kanila at hindi na nila kailangan pang manawagan sa radio station o sa Facebook,” sabi ni Go sa panayam sa kanya matapos panguhan ang pagtulong sa mga biktima ng nakaraang bagyo sa Bagumbayan, Quezon City.

Iniulat ng Department of Foreign Affairs na umaabot sa 237,363 OFWs ang pinauwi sa bansa sa harap ng pandemya habang may 107,000 ang inaasahang magbabalik-bayan bago matapos ang taon.



“Marami pong pinauwi na mga OFWs. Papaano ngayon pag palabas na naman sila?” ang tanong ni Go.

Ayon sa senador, nakatakdang talakayin ng Senado sa December 7 ang panukalang batas na layong lumiha ng Department of Overseas Filipinos (DOOF).

Ang Senate Bill No. 1835 na inihain ni Go noong September 16, 2020 ay second iteration ng SBN 202 na inihain din niya noong nakaraang taon.

Ikinokonsidera dito ang naging inputs ng mga concerned executive agencies at inendorso ng Office of the Cabinet Secretary at Presidential Legislative Liaison Office sa Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development. Ang SBN 1835 ay priority measure ni President Rodrigo Duterte.

“Hopefully, tuloy-tuloy na ito at sasang-ayon na ang mga iba’t ibang ahensya ng executive branch dahil matagal na itong inaasam at hinihiling ng mga kababayan natin,” sabi ni Go.



Ang panukalang departamento, kapag nabuo na, ay magpapaigting sa lahat ng responsibilidad na may kinalaman sa mga problema ng Filipinos overseas.

Sinabi ni Go na ang DOOF ang magiging pangunahing responsable sa pagpoprotekta sa mga karapatan at magpo-promote sa kapakanan ng overseas Filipinos.

Ang mga opisina na pagsasama-samahin sa DOOF ay ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs ng DFA, Commission on Overseas Filipinos, lahat ng Philippine Overseas Labor Offices sa ilalim ng Department of Labor and Employment, International Labor Affairs Bureau sa ilalim ng DOLE, at International Social Services Office ng Department of Social Welfare and Development.

Sa nasabing batas ni Go, magtatayo ng Migrant Workers at Overseas Filipinos Resource Centers sa bawat bansang magiging destinasyon ng distressed overseas Filipinos na nangangailangan ng matutuluyan, medikal na tulong at iba pang ayuda.

Maglilikha rin ito ng Overseas Filipino Malasakit Centers sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang one-stop shops na ito ang mag-iisyu ng clearances at permits, magba-validate ng overseas job offers at mag-aalok ng reintegration services, seminars at workshops sa migrant Filipinos atr sa kani-kanilang pamilya.

“Ngayon na nahihirapan sila dahil sa krisis sa buong mundo at napilitan ang iba na umuwi, dapat lang bigyan ng sapat na atensyon ang kanilang mga pangangailangan para matulungan ang ating mga bagong bayani na makabangon muli,” ani Go.

“Mas maisasaayos ang mga programa at serbisyo ng gobyerno kung mayroong sariling departamento na mamamahala sa mga pangangailangan ng mga overseas Filipinos,” idinagdag ng senador. (PFT Team)