Higit 40 cases naitala sa Kamara; possible outbreak inaalam! FULL DISCLOSURE SA COVID CASES HIRIT NG QC-CESU
Advertisers
INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang House of Representatives kasunod ng naitalang mahigit 40 kaso ng kumpirmadong COVID-19 cases na nakuha ng mga pasyente sa kanilang trabaho sa Kamara.
Kinalampag din ng Quezon City-CESU ang Kamara na isumite sa kanila ang kumpletong listahan ng COVID cases. Hindi ito dapat naantala dahil malinaw sa batas na walang exempted at dapat agaran ang pagsusumite ng report sa mga kaso ng COVID.
Ayon kay Quezon City-CESU Director, Dr. Rolly Cruz, ang mahigit 40 cases na kanilang naitala ay pawang naninirahan sa Batasan at kalapit na barangay at ang workplace na kanilang inilagay ay sa Kamara.
“Sa mga cases na hawak namin, sinasabi nila na nakuha nila ang virus sa loob ng Kamara, sa mismong pinagtatrabahuhan nila. Kaya ito ngayon ang aming iniimbestigahan kung paanong nagkahawahan,”pahayag ni Cruz.
Inamin ni Cruz na dahil pending ang report ng Kamara, nahihirapan silang i-trace kung ilan ang tunay na COVID cases. Aniya, kahit nagsasagawa na sila ng contact tracing ay nagiging limitado lang din dahil sa kawalan ng full disclosure mula sa Kamara.
Sa tanong kung masasabing outbreak na ang COVID cases sa Kamara at maaaring ipasara ang tanggapan, sinabi ni Cruz na kanila itong ie-evaluate sa oras na makuha nila ang nasabing report.
Lumalabas na may batayan ang tahasang pagtuligsa ng mga kawani ng Kamara kina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero, Diwa Partylist Rep. Mike Aglipay at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag sa quarantine protocol dahil mataas ang COVID cases sa Mababang Kapulungan.
Ang House leaders ay may direktang exposure kay TESDA Director Isidro Lapeña na nagpositibo sa virus dahil magkakasama silang dumalo sa isang dinner meeting na nakita pa sa larawan na wala silang suot na face masks.
Ikinatwiran ni Romero na nagnegatibo sila sa isinagawang COVID test. Gayunpaman malinaw sa health guidelines ng Department of Health (DoH) na kahit negative sa test ay dapat parin na sumailalim sa 14-day quarantine.
Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ang quarantine sa mga may direct exposure sa isang COVID patient kahit paman nagnegatibo sa test. Dahil ang virus ay maaaring mag-develop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.
Ayon sa report, kasama ng House Leaders sa isang dinner sa Shangrila Taguig si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy (PMA) alumni noong Nobyembre 19. Makalipas ang dalawang araw ay nagpositibo sa virus si Lapeña, subalit hindi nag-quarantine ang House Leaders. At Nobyembre 24 ay pinangunahan pa nina Velasco at Romero ang hearing ng Kamara sa epekto ng bagyong Ulysses at Nobyembre 25 ay makikita sa website ng Kamara na tumanggap pa sila ng courtesy call mula kina Labor Secretary Silvestre Bello at PNP Chief Debold Sinas.
Bukod sa paglabag sa quarantine ay nilabag din ng House leaders ang guidelines ng DoH-IATF na nagtatakda na hanggang 10 katao lamang ang gathering.
Maliban sa 5 house leaders, si Lapeña ay kasama rin sa dinner meeting sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, Information Sec. Gregorio Honasan, Environment Sec. Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon, National Task Force Against COVID-19 Chief Carlito Galvez at Social Welfare and Development Sec. Rolando Bautista.
Aminado naman ang mga kawani na bulag sila sa mga kaso ng COVID cases sa Kamara dahil walang regular reporting na nangyayari at walang transparency, hindi tulad noong panahon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na laging may update ng COVID cases si dating House Secretary-General Jose Luis Montales, kaya aware sila kung mayroong exposure sa nagpositibo sa virus at sila na mismo ang nagse-self quarantine.
Samantala, kinumpirma ni Sorsogon Rep. Evelina Escudero ng Sorsogon na nagpositibo sya sa COVID noong nakaraang buwan at ipinagbigay-alam nya ito kay Speaker Velasco, ngunit ang impormasyon na ito ay ‘di rin nai-report sa media.
Ipinaliwanag ni Escudero na asymptomatic at maaari na nagkaroon ng false-negative sa kanyang test. Subalit para makasiguro ay nag-self quarantine parin ito. Si ACT-CIS Rep. Nina Taduran ay napabalita rin positibo sa COVID ngunit hindi pa ito nagbibigay ng opisyal na pahayag.