Advertisers
UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na umiwas muna sa pagdaraos ng mass gatherings at mga party sa darating na holiday season dahil nanatili pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Go na nauunawan niya ang kahalagahan ng family gatherings sa tuwing Kapaskuhan subalit sa panahon ngayon na may pandemya pa ay mas mahalaga ang kalusugan at buhay ng bawat isa.
“Ako, dine-discourage ko po ang any party, any celebration. Maaaring magkahawaan ng sakit,” ani Go.
Iginiit ni Go sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na magbigay sa publiko ng proper guidance sa health and safety protocols na ipatutupad, partikular sa pagdaraos ng mas gatherings lalo’t malapit na ang Pasko.
Ayon kay Department of Health Secretary Francisco Duque III, ang Metro Manila ay nananatili sa ilalim ng General Community Quarantine.
Sa ilalim ng GCQ, pinapayagan ang ilang aktibidad gaya ng mall sales para makarekober ang ekonomiya.
Hingggil sa pagdaraos ng Christmas party at iba pang pagtitipon, sinabi ni Duque na titingnan pa ng IATF ang guidelines nito kung papayagan para maiwasan ang muling paglaganap ng COVID-19.
“Safety first. Para sa akin, unahin muna natin ang kalusugan ng ating mga kababayan. Mas importante sa akin ang buhay ng bawat Pilipino,” anang mambabatas.
“Kasama natin ang ating pamilya, pero wala munang parties dahil delikado pa po habang wala pa pong vaccine, no time to celebrate, ‘wag muna tayong mag-celebrate, ang importante kasama natin pamilya sa isang bahay,” idinagdag niya. (PFT Team)