Advertisers
TUNAY na maigsi ang naunang termino bilang pinuno ng Olympic family sa bansa kaya pinagkalooban siya ng fresh mandate na four-year Olympic term.
Tuloy ang liderato ni Philippine Olympic Committee president ( Rep.) Abraham ‘Bambol Tolentino matapos siyang maihalal ng mayoryang miyembro ng national sports association heads 30-22 sa ginanap na POC elections nitong Biyernes ng hapon (Nobyembre 27) sa East Ocean Palace sa Pasay City.
Si Tolentino na pinuno ng NSA na Phil Cycling ay kumbinsidong tinalo ang kontender na si Clint Aranas ng Archery.
Muli ring nahalal si Steve Honiveros ng Handball bilang chairman nang maungusan nito si Triathlon top honcho Tom Carrasco, 28-25.
Wagi naman sina Al Panlilio ng Samahang Basketbol at Richard Gomez ng Fencing bilang first at second vice president ,30-23 at 31-22 ayon sa pagkakasunod. Tinalo nila sina Philip Ella Juico ng Athletics at Ada Milby ng Rugby.
Inihalal namang treasurer si Cynthia Carrion ng Gymnastics kontra Julian Camacho ng Wushu, 27-22 habang ibinoto namang auditor si Chito Loyzaga ng Baseball laban kay Monico Puentebella ng Weightlifting, 27-22.
Sina Jose Raul Canlas ng Rugby(36) Pearl Anne Managuelod ng Muay(31), Charlie Ho ng Netball (28) at Dave Carter ng Judo (27) ang newly elected member of the POC Executive Board na angat kina Robert Bachmann ng Squash(24), Jeff Tamayo ng Soft Tennis (23), Robert Mananquil ng Billiards (21) at Prospero Pichay ng Chess (18). Sina Hontiveros at Ho lang ang lumusot sa tiket ni Aranas.
Ipinahayag ng Cavite 8th District Representative ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa patuloy na tiwala sa kanyang kakayahang mamuno at nanawagan na siya ng tunay na pagkakaisa para sa kapakanan ng sports sa bansa at upang maiangat ang estado ng Pilipinas sa mapa ng sports sa mundo.
Kanya ring ipa-prayoridad ang kalinga sa atletang Pinoy di lamang sa mga Olympic bound athletes kundi sa lahat ng miyembro ng pambansang koponan.
“Go for gold na sa Tokyo Olympics na raratsada sa Agosto 2021 at ang pagdepensa ng titulo ng Pilipinas sa 2021 Vietnam Southeast Asian Games sa Nobyembre-Disyembre ng sunod na taon pati na rin sa Asian Indoor Martial Arts Games”pahayag ni Tolentino.
Ang naging Alkalde rin ng Tagaytay City ay inihalal via special POC elections nitong nakaraang taon upang ituloy ang nalalabing termino ng nagbitiw na si Ricky Vargas ng Boxing at agad na nagtala ito ng kasaysayan matapos magkampeon pangkalahatan ang bansa sa ini- host na 30th Southeast Asian Games Philippines 2019 noong Disyembre.
Ang bagong mandato ni Tolentino ay buong Olympic year na kada-apat na taong kaganapan.