Advertisers
IGINIGIIT ngayon ni Taguig City Representative at dating House Speaker Alan Peter Cayetano na maisiwalat ang kontro-bersyal na “dagdag-bawas” sa infrastructure fund ng mga kongresista na nakapaloob sa 2021 National Budget.
Oo! Nais ni Cayetano na maisapubliko ito bago aprubahan ng bicameral committee ang pambansang budget para sa sunod na taon para nga naman mabulgar kung sino sino ang mga nabawasan at ang mga nadagdagan ng budget.
Obkors agree ang sambayanan dito. Ayon nga kay Cayetano, dapat magkaalaman kung sino ang mga nakinabang at nabawasan sa dagdag-bawas scheme na ito para maiwasan ang batuhan ng putik at maging malinaw sa lahat kung totoo o hindi ang akusa-syon ni Senador Ping Lacson lalo na tungkol sa paglobo ng infra budget ng ilang kongresista. Kasi kung hindi ito maaagapan, aba’y bulagaan na naman ang mangyayari sa atin at posible pa itong ma-veto ni Pangulong Rody Duterte.
Matatandaan na ipinagbawal ni Cayetano noong speaker pa siya ang pagkakaroon ng “parking funds” sa 2020 National Budget kaya maraming caucus ang pinatupad ng kamara tungkol dito. Binigyan diin kasi ng house leadership noon na walang takipan sa mahuhuli na nagkaroon ng parking funds sa budget.
Una nang ibinulgar ni Lacson na aabot sa P620 milyon hanggang P15 bilyon ang infra funds ng mga kongresista lalo na ang mga barkada ni Speaker Lord Allan Velasco.
Tahasang sinabi ni Lacson na hindi aksyon ng isang lider ang ipinakitang pagpabor ni Velasco sa kanyang supporters, samantalang kitang-kita ang paglaglag nito sa mga kongresista na kaanib ng dating speaker.
Sinabi pa ni Lacson na maling mali ang ginawang dagdag-bawas sa pondo dahil lalong naging malaki ang agwat ng naging hatian ng pondo sa pagitan ng mga kongresista. Halimbawa na ang P15.351 billion sa isang distrito kumpara sa P620-M sa ilan. Kaya ipinangako ng senador na haharangin niya sa bicam ang dagdag-bawas na ito. Dapat!
Kahit naman pagbali-baliktarin, hindi maitatanggi na naimpluwensyahan ang alokasyong ng budget ng mga kongresista dahil sa nangyaring pagpapalit ng liderato sa kamara. Lalo na sa mga lumutang na balita na aabot ng P300-M hanggang P1-B ang naging kapalit ng suporta ng mga kongresista kay Velasco maliban pa ang pagkopo ng mga ito sa matataas na posisyon sa kamara.
Tama ang sinabi ni Cayetano sa isang media interview tungkol sa pagsisiwalat sa publiko ng dagdag-bawas sa infra funds ng mga solon ay pagsiguro na walang unconstitutional amendments na maaaprubahan ang bicameral committee.
Magbibigay din ito ng pagkakataon lalo na sa mga taga-media na i-report ang misteryo sa infra funds para sa kapakanan ng taong bayan. Naku!!! ano kaya ang mangyayari sa kamara pagkatapos nito? Sayang naman ang pinakamataas na nakuhang trust rating ng kamara sa SWS at Pulse Asia sa kauna-unahang pagka-kataon sa kasaysayan ng kamara na naitala ng liderato ni Cayetano.
Sa ngayon, kapansin-pansin ang pananahimik ng kampo ni Velasco tungkol sa dagdag-bawas isyung ito. Tanging mga alipores lamang niya sa kamara ang sumasagangga at dumidepensa sa kaliwa’t kanang bigwas ni Lacson tungkol sa infra fund. Mismo!
***
May kumakalat na balita na planong i-takeover ni Presidential son Davao City Rep. Pulong Duterte ang liderato ng kamara. Tsk tsk tsk… two months palang si Velasco, papalitan agad?
Masamang-masama raw kasi ang loob ni Pulong nang ipahiya ito mismo sa bday party ng isa sa mga kaalyado ni Velasco na si Rep. Sharon Garin.
Biniro raw kasi ni Garin si Pulong kung bakit ito nabigyan ng magandang committee eh si Cayetano ang ibinoto nito. Dahil dito ay nagbitiw sa majority si Pulong at magtatayo nalang daw ng sariling grupo. Aray ko! Abangan!!!