Advertisers
Cagayan – Limang araw na ngayong nanatiling isolated o hindi parin mapuntahan ng ground forces ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pitong bayan dito sa probinsya ng Region 2.
Ayon kay Col Augusto Padua, Commander ng Tactical Operations Group (TOG) 2 Philippine Air Force (PAF), kailangan ng air assets sa Aparri, Lal-lo, Alcala, Lasam, Camalaniugan, Gattaran at Baggao, habang napasok na ng ground forces ang mga bayan ng Amulung, Tuguegarao City, Solana, Enrile at Iguig dito sa lalawigan.
Hanggang sa ngayon ay tuluy-tuloy ang pagsasagawa nila ng aerial relief operations sa mga residenteng lubog parin sa tubig-baha.
Sinabi pa ni Col. Padua, bagama’t naglunsad sila ng search and rescue operations ay maraming residente ang ayaw iwan ang kanilang mga bahay sa kabila na lubog na sa tubig-baha.
Patuloy din ang pagbibigay ng aerial support ng limang helicopters ng PAF sa lalawigan.
Inaasahan narin ang pagbaba ng baha dahil nahinto na ang pagpakawala ng tubig mula sa Magat Dam na siyang pangunahing sanhi ng malawakang pagbaha mula pa nung Biyernes matapos makalabas ng bansa ang bagyong Uysses. (Rey Velasco)