Advertisers
MANDIN ay delubyo – bahang gunaw – ang inabot ng libo-libong biktima ng malupit na bagyong ‘Ulysses’ na sinusulat ito, kulang 100 na ang naitalang namatay, at marami pang nawawala ang tila wala nang pag-asa pang makitang buhay.
Libo-libo rin ang nasugatan at marami ang nawalan ng mga mahal sa buhay, nawalan ng bahay, mga gamit at ang ikinabubuhay.
Ilang ulit nang nangyari ang ganitong trahedya: Sa Ormoc City, bagyong ‘Ondoy’ noong 2009 na grabeng sinalanta ang Marikina City, sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur at Camarines Norte, Quezon Province, sa Cherry Hills subdivision, at maraming iba pa na pumatay, puminsala sa mga kababayan natin sa Southern, Central, Northern Luzon, Visayas region, at sa Mindanao.
Akala ng mga residenteng pininsala ng mga bagyong ‘Rolly’ at ‘Ulysses,’ dahil maaga silang nakapaghanda, hindi magiging malaki ang pinsala ng kalamidad.
Grabe ang mga pagbaha na dinulot ng bagyong Ulysses sa mga lugar sa Rizal, NCR, Cagayan at Isabela at iba pang lugar sa Region II, Bulacan area and Pampanga in Luzon, Bicol province, CALABARZON at iba pang lugar sa bansa.
Nagkamali ang lahat: gumuho ang mga lupa, dumagundong ang mga bato mula sa bundok, ibinaon ang ibang buhay sa nilamong mga bahay at gusali at nilunod ang marami sa rumaragasang daluyong ng tubig-baha.
Bakit nangyari ang mga ito: kaylupit na kamatayan, na hindi dapat naranasan ng mga sanggol, mga bata, matatanda at ng marami pang kababayan.
***
Noon pa ay sinasabi: bunga ng patuloy na ilegal na pagputol at pagtotroso sa mga kagubatan at kabundukan ang dahilan ng pagkamatay ng marami.
At nasaan ang mga bilyonaryong kriminal – na walang mga pangalan – nang mga sandaling pinapatay ang mga biktima bunga ng kanilang pagkagahaman sa likas-yaman ng bayan, at ang mga dambuhalang minerong binubungkal ang kailaliman ng ating lupa, upang ang mineral, ginto at iba pang mina ay gawing pera at iuwi nila sa kanilang mga bansa.
Hindi ang mga bagyong si Ulysses, si Rolly, si Quinta, si Pablo, si Sendong, at Gener at mga Habagat, Amihan at iba pang kalamidad ang pumatay sa libo-libo, sumugat sa libo-libo pa; hindi ang natural na kalamidad na ito ang mga tunay na kriminal sa pagpatay sa ating kalikasan.
Sila ang mga bilyonaryong kriminal na kangisian, kainuman, kasama sa pagdiriwang ng mga tiwali sa pamahalaan na laging bulag, bingi, pipi at pilay sa daing ng bayan: Ito’y dahil sa pagkasakim at pagiging matakaw o gahaman sa salapi!
Nawa, sila ay saklutin ng ibang uri ng kalamidad, piryud!
***
Kahit nakalabas na ng bansa ang mabagsik na bagyong si Ulysses, ang pinsalang dulot sa atin ay naririto pa rin at nagdudumilat.
Hindi kayang masukat ang bagsik ng bagyong ito, na maging ang pambansang pamahalaan ay inamin na nagulat na paghandaan para harapin ang kalamidad na ito.
Kung tutuusin naman, hindi na bago sa atin ang hagupit ng bagyo. Ngunit sa kabila ng napakaraming taon, at sa kabila ng marami nang pagpapalit ng gobyerno, bakit hanggang ngayon, hindi pa rin natin matuklasan ang mabisang paraan at pormula upang ang pinsala nito, kasama ang mga lindol, sunog at iba pang kalamidad, ay ating mapaghandaan at mabawasan ang pagkawala ng buhay, at ang pinsala nito sa mga ari-arian at sa mga proyekto at programa ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan.
Ngunit hindi ito ang panahon ng pagtuturo kung sino ba ang may kasalanan, kundi ito ang panahon, ang tamang panahon upang maipakita natin – ang kalamidad ay maging paraan at kilusan upang maipakita natin, sa kabila ng lahat, tayo ay mga tao na handang tumulong sa mga mas nangangailangan, gaano man kaliit ang tulong na iyon.
Tumugon na ang maraming samahang pribado, mga samahang sibiko at kahit ang mga pribadong tao – kung wala mang maibigay na pagkain, damit o gamot, ang lakas nila, ang panahon nila ay kanilang ibinibigay.
Nagpakita rin ng makataong tugon ang mga negosyante – nagkaloob sila ng mga produkto, gamot at iba pa, bukod sa pera para sa rehabilitasyon sa mga totoong walang naisalba sa kanilang personal na gamit at ari-arian.
Huwag na nating kuwestiyonin kung ang nagbigay ng tulong ay mga politiko o mga indibidwal na nagpapakilala sa publiko dahil nagbabalak na tumakbo sa susunod na eleksiyon.
Hindi ito ang panahon ng pagdududa o paghihinala: Tanggapin ang nagkaloob sapagkat ito ang tama ngayon, at kung dumating ang panahon ng “pagganti ng utang na loob” sa mga nais kumandidato, isipin ang katangian nila, ang kakayahan at ang sinseridad ngayon at hindi ang mga dahilan kung bakit sila ay tumutulong ngayon.
Sa bagsik ng bagyong si Ulysses, buhay na buhay ang bayanihang Pinoy.
Pilipinas, ito ngayon ang sandali ng pagbabangon!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.