Advertisers

Advertisers

SABONG ONLINE, LUMPO ANG 1.2 MILYONG PINOY!

0 378

Advertisers

SIMULA nang manalasa ang COVID 19 pandemic ay sapilitang pinagsara ng pamahalaan ang mga lisensyadong cockpit sa buong kapuluan. Maging ang mga walang kaukulang lisensya at mga tupadahan na pinatatakbo ng ilang maiimpluwensyang pulitiko ay tigil-operasyon din. Sa kabila nito, malayang nakapag-ooperate naman ang mga underground online sabong!

Hindi kukulangin sa may 2,500 ang lisensyadong sabungan ang tigil ang operasyon at sa pagtataya ng ating mga kasabong, papalo sa halos mahigit pa sa 1.2 milyong katao ang nangagugutom dahil sa kawalan ng pinagkikitaan ng kanilang mga “bread winner”, ngunit hindi naman nasusuportahan ng gobyerno.

Hindi pa kasama dito ang bilang ng mga apektadong gamefowl breeders, cockers at mga gaff makers.



Magtataka ang ating mga KASIKRETA kung bakit gayon pala kalaki ang pigura ng naapektuhan sanhi ng pagkakatigil ng cockpit operation sa bansa?

Lingid sa kaalaman ng mga ordinaryong mamamayan, may humigit-kumulang sa 20 regular na empleyado ang bawat license cockpit, kabilang na doon ang sentensyador, sultador, runnner, mamiminto, mangungulis at manggagamot ng sasabunging manok ang umaasa ng kanilang ikabubuhay sa sabong.

Bukod pa sa regular na tauhan, mayroon ding sangkaterbang mananari na nababayaran lamang ng kanilang suking mananabong kapag nanalo ang kanilang tinariang manok.

At higit na nakararami pa dito ay ang mga kristo sa sabungan na umaasa lamang sa 10 porsiyentong ibinabahagi ng kanilang nananalong kapitalista. Kapag talunan ang financier, laylay ang balikat ng mga mananari at kristo na uuwi sa kani-kanilang bahay.

Kaya sa pinakamababang pagtataya, kada sabungan ay halos may 100 katao ang nawalan ng hanapbuhay at may average na lima katao ang bawat pamilya. Pawang naparalisa ang kabuhayan nila sa pagkakaroon ng COVID 19.



Kapag pinagsama-sama ang bilang ng mga taong nangawalan ng kabuhayan, pagkain at pangunahing pangangailangan dahil sa pagpapahinto ng operasyon ng license cockpit ay hindi nga bababa sa 1.2 milyon ang nagugutom na Pinoy.

Ang sektor na ito ang wari ay nakaligtaan o talagang sinadyang di naman tinututukan ng ating pamahalaan.

Ngunit sa gitna ng kanilang paghihirap ay may may mga personalidad namang nagtatamasa at kumikita ng limpak-limpak na salapi. Sila yaong nagsulong ng online o e-sabong na nagiging hadlang para huwag nang mabuksan pang muli ang operasyon ng ligal na pasabong.

Sa mga natatanggap nating mensahe, turing ng mga naapektuhang sektor ay mga traydor sa mga Pinoy na mananabong ang gambling icon na si Atong Ang, Benitez at Bernos ng Sabong Online International .

Tinukoy ang tatlo bilang mga pangunahing nagtatag ng kontrobersyal na sabong online o e- sabong.

Hindi naman tayo nagtatakang walang damdaming maka-Filipino sina Atong pagkat kung tutuusin ay isa itong Intsik na nagdamit Pinoy.

Sentro ng operasyon nina Ang, Benitez at Bernos ang Brgy. Palasan sa bayan ng Sta Cruz, Laguna.

Ang masama nito, ginamit na front ng iba pang sabong online operators ang pangalan nina Ang para magpatakbo din ng kanilang illegal streaming ng sabong sa social media.

Pati na ang syudad ni Presidential daughter Sara Duterte ay napasok na din ng mga illegal e-sabong operators.

Sa lalawigan ng Pampanga ay nadiskubre na ding nagpapatakbo ng online sabong ang operator ng Royce Hotel and Casino sa Clark Freeport Zone. Nagkaroon ng inaugural 120 cockfights sa nasabing hotel and Casino noong Nobyembre 5, 2020.

Kung hindi nanalasa ang bagyong Rolly ay malamang na nagkaroon pa ulit ng pasultada noong November 13. Sa November 16, 20, 23 at November 27-30 ay may naka-eskedyul pa ring sultada doon.

Sa hahaliling buwan naman ay napakarami pa ring nakatakdang hack fight na gaganapin sa December 7, 11, 14 at 18. May papintakasi o derby pa doon simula sa December 18- 28. Ganyan palang katindi ang mga ilegalista sa Pampanga?

Kaya aabot sa 14 na araw ang walang puknat na salpukan ng mga gamefowl ng big-time na sabungero sa Pampanga at sa buong ng Region 3 na nasa husrisdiksyon ni PNP Region 3 Director PBG Valeriano De Leon.

Pakiramdam natin ay napapaikutan si General De Leon, binubukulan ng ilan nitong mga opisyales na protektor ng sabong online operators.

Imbitado din sa pasabong sa nasabing hotel & casino na pinagarbo pa nga ng live streaming sa online ang mga cockers at breeders sa Metro-Manila. Hindi natin alam kung ano talaga kaya ang papel ni Pampanga Acting PNP Provincial Director P/Col Andres Ocampo Simbajon sa iligal na pasabong doon?

Sa lalawigan ng Batangas ay tinukoy naman ng ating message sender ang mga personalidad na nagpapatakbo ng online sabong na sina alias Salazar, Alday, De Veyra, Lat, Armigo, Ablao,Lani, at Montalbo.

Sa kumpirmasyon naman ni PNP ni COVID Shield Task Force Commander, LtGen. Guillermo T. Eleazar sa SIKRETA ay bawal ang operasyon ng online sabong at maging ang mga lisensyadong sabungan, pagkat wala naman ang mga itong guidelines at permit ng COVID 19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Bukod sa pahayag ni Eleazar, second highest at Deputy Chief for Administration ng PNP, ay may mga nauna na ding babala sina Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año at Malacañang Spokesperson Harry Roque na nagbabawal nga sa online sabong at maging sa pasabong sa mga lisensyadong sabungan, habang ang bansa ay nahaharap pa sa pandemic.

Tatlong lisensyadong cockpit naman ang iniulat na nag-ooperate na sa Batangas, ito ay ang Malvar Cockpit, Mataas na Kahoy Cockpit at Taysan Mini-Cockpit.

Sobra namang astig nitong sina Boss Atong, Benitez, Bernos, ng Laguna, alias Salazar, Alday, De Veyra, Lat, Armigo, Ablao,Lani, at Montalbo ng Batangas at ang management ng Royce Hotel & Casino sa Freeport Zone sa lalawigan ng Pampanga, kung ipagpipilitan pa din ng mga itong mag-operate ng online sabong sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa operasyon nito?

Ano kayang say ni new PNP Chief, Debold Sinas?

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.