Advertisers

Advertisers

NAPIPILITAN

0 1,202

Advertisers

WALANG plano si Rodrigo Duterte na lumabas sa publiko noong Sabado. Subalit dahil sa tindi ng batikos ng mga netizen na hinahanap siya sa social media, bantulot na lumabas si Duterte at, kahit pakitang tao, nag-utos sa mga taong gobyerno. Halatang napipilitan lamang si Duterte na lumabas. Mukhang mainit ang ulo na nagambala ang pamamahinga.

Sapagkat nahihirapan si Duterte na harapin ang kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan, hindi maiwasan na bumalik ang usapin ng estado ng kanyang kalusugan. Dahil bugnutin at hindi na makagalaw, tinatanong ng mga netizen kung kaya niya ang gawain na nakaatang sa kanyang mga balikat. Hindi kaya matindi ang kanyang karamdaman? Hindi kaya matindi ang epekto ng mga gamot na iniinom at itinuturok sa katawan upang manatiling buhay?

Hindi maaaring hindi lumabas si Duterte at ipamalas ang liderato at poder ng isang pangulo ng bansa. Masyadong malupit ang trahedyang inabot ng mga mamamayan sa lalawigan ng Cagayan at Isabela. Biglang tumaas ang tubig sa dilim ng Biyernes ng gabi dahil sa hindi maipaliwanag na pagbaha. Bumaha ang daing at pangamba ng mga mamamayan sa social media.



Maraming mamamayan ang umakyat sa bubungan ng kanilang tahanan upang mabuhay. Doon sila natagpuan at pinulot kinaumagahan. Kung hindi sila pumunta sa bubungan, malamang na tinangay sila ng baha at nasawi. Ito ang isang bagay na hindi nauunawaan ng sumpunging lider. Mukhang wala siyang kamalay-malay sa mga pangyayari kahit noong lumabas siya sa telebisyon noong Sabado ng tanghali.

Hindi tuloy maaalis sa isipan ng maraming kababayan na likas siyang iresponsable. Mukhang hind naitanim sa kanyang isip na bilang lingkod bayan at pangulo, marapat na pamunuan niya ang sambayanan sa hirap at ginhawa. Hindi lang siya iresponsable. May mga impresyon ang maraming kababayan na batugan at tamad si Duterte. Ayaw magtrabaho. Wala siyang silbi sa sambayanan, sa madaling salita.

***

SA kalaliman ng gabi noong Biyernes, aktibo si Bise Presidente Leni Robredo na organisahin ang tulong upang iligtas ang maraming kababayan sa Cagayan. Aktibo ang kanyang social account at maging ang OVGP na malaman ng buong mundo kung ang trahedya sa Cagayan. Iniulat ni Leni at mga kasama sa OVP ang pagkawala, pagkalunod, pagkamatay dahil sa kuryente, at ibang kalunos-lunos na pangyayari doon.

Ang Bise Presidente ang personal na humingi ng tulong sa mga kaibigan at kakilala sa pribadong sektor. Kulang na lamang lumuhod at magmakaawa ang Pangalawang Pangulo upang makakalap ng tulong na ibibigay sa mga nasalanta. Hindi naman napahiya si Leni sapagkat buo ang tiwala at pananalig sa kanyang integridad.



Ginawa ng Bise Presidente ang lahat na magagawa sa panahon ng kagipitan. Hindi niya ibinando. Basta kumilos ng walang pag-iimbot. Ginawa niya ang lahat kahit na ang mga kasama niya sa gobyerno – kasama na si Duterte – ay hindi kumikilos. Siya ang tunay na Superwoman sa aming aklat. Mabuhay ang Pangalawang Pangulo!

***

HINDI kami payag na basta na lang pabayaan ang usapin ng maanomalyang 2019 SEA Games. Kung si Tito Sotto ang masusunod, okey na iyan sapagkat ang Filipinas ang kampeon at may pinakamaraming medalya na nakamit sa palaro ng mga bansang kasapi sa ASEAN. Huwag ng obligahin si Alan Peter Cayetano at ang kanyang mga kasapakat sa Philippine Southeast Asian Game Organizing Committee (Phisgoc) na magsumite ng audited financial report tungkol sa mga gastos sa 2019 SEAG.

Hindi puede na hindi sansalain ang mga katiwalian pagdating sa salapi ng taongbayan. Umabot sa halos P17 bilyon ang ginastos sa SEAG. Dahil nagkampeon naman, hind na dapat usisain kung paano ginastos – at kung paano ninakaw ang malaking bahagi ng salaping nanggaling sa kaban ng bayan. Wala sa katwiran si Tito Sotto. Lihis na lihis. Hindi maiwasan na isipin na isa si Tito Sotto sa mga kasapakat. Maaaring nakinabang siya sa tiwaling pagdaraos ng palaro.

Isa ang dahilan kung bakit nag-aatubili si Cayetano na magsumite ng financial report. Takot siyang masilip ang malawakang katiwalian sa 2019 SEAG. Kung magkakaroon ng sapat na batayan, maaari siyang ihabla ng pandarambong, o plunder, sa Office of the Ombudsman. Sapagkat abugado si Cayetano, batid niya na papasok siya sa bilibid. Masyadong malaki ang nawala sa gobyerno. Akala niya maasahan niya ang ilang kasapakat tulad ni Bambol Tolentino na bigyan siya ng proteksyon sa anumang pag-uusig sa kanya.

***

BATAY sa takbo ng pangyayari tungkol sa maanomalyang isyu ng 2019 SEAG, may isang isda sa larangan ng palakasan ang naisakripisyo. Tinanggal ng Executive Board ng Philippine Olympic Committee ang POC executive director, o secretary-general sa ibang ulat, na si Edwin Gastanes na kaalyado ni Bambol Tolentino, ang presidente ng POC.

Loss of confidence ang isyu kay Gastanes. Pinaniwalaan ng mga sports leader na si Gastanes ang nagbigay ng proteksyon kay Cayetano para hindi makapagsumite ng audited financial report. Si Gastanes ang nagmaniobra na kahit lampas walong buwan na sa deadline, hindi pa rin nagsumite ng financial statement ang grupo ni Cayetano. Patunay ito na hindi nagkakaisa ang mga sports leader. Wala silang tiwala kay Bambol na siyang naglagay kay Gastanes sa POC.

***

MUKHANG walang koordinasyon ang mga opisyales ng gobyerno ni Duterte. Ayon kay Harry Roque, kaya nawawala si Duterte sa gitna ng mga bagyo at kalamidad ay dahil abala siya sa pulong ng mga ASEAN leader kahit sa pamamagitan ng Zoom. Walang bago sa sinabi ni Roque. Sanay sa pagsisinungaling si Roque.

Nagpakita lamang sandali si Duterte sa pulong ng mga ASEAN leader at iniwan ang lahat kay Teddy Locsin. Binasa lamang ni Teddy Locsin ang isang speech na dapat sana ay si Duterte ang babasa. Sinabi niya sa ASEAN meeting na abala naman si Duterte sa mga bagyo at kalamidad.

***

MGA PILING SALITA: “’Task force’ is the technical for hintayin na lang muna ninyo na malimutan ang problema.” – Pilo Hilbay, netizen, dating solicitor-general

“The spate of disasters and calamities seem to have desensitized the Filipino people – and the government. No empathy to victims, no sense of urgency, no sense of humanity from the political leaders, whose job is to ensure the survival of the country. In most cases, you won’t even feel the presence of government. There is too much insensitivity or even arrogance of power. Filipinos are left to fend for themselves. Kawawa naman tayo.” – PL, netizen