Advertisers
SA tuwing magreretiro ang hepe ng Philippine National Police (PNP), mainit itong sinusubaybayan ng sambayanan kung sino ang mapipiling ipapalit sa lilisan nang pinuno ng pambansang kapulisan.
Hindi gaya ng ibang ahensya ng pamahalaan, marahil ang PNP – kaya sinusubaybayan ng taumbayan ang pagpili ng uupong hepe ay dahil ang kapulisan ay malaki ang “role” na ginagampanan sa lipunan.
Ang pagpapanatili ng peace in order sa kapaligiran ang pangunahing mandato ng pulisya. Sa buong mundo, ang sukatan sa mga bansang mauunlad, ay ang kaayusan ng kanilang bansa at walang ano mang krimen na nagaganap.
Sa paghubog ng isang presidente o lider sa kanyang nasasakupang bansa ay katuwang niya ang mapipiling pinuno ng kanyang kapulisan tungo sa rurok ng tagumpay na mithi rin ng mga mamamayang nasasakupan.
Nais ng pangulo ang matahimik na kapaligiran, pero mas higit na nais ng mamamayan na may peace and order sa lipunan kaya, marahil affected ang mga ito kapag ang natatalagang PNP chief ay hindi magiging effective sa kanilang paningin.
Kaya sa tuwing may naa-appoint na bagong hepe ng pambansang kapulisan, may nagre-react at meron namang positibo at pumapabor sa napiling PNP chief, lalo ngayong ang buhay ay umiikot na sa internet era.
Sa social media dinadala ng sambayanan ang kanilang opinion – positibo man ito o negatibo – sa bawa’t kilos ng pamahalaan, lalo sa pagpili ng PNP chief. Dito nila ibinubulalas ang kanilang mga opinyon.
Habang isinusulat ko ang pitak na ito ay mainit na pinag-uusapan sa social media ang pagkakatalaga ni Major Gen. Debold Sinas bilang bagong PNP chief, kapalit ng nagretiro nang si Gen. Pancratius “Pikoy” Cascolan.
Tulad nga ng sinasabi natin, sa tuwing papalitan ng PNP chief, ito’y mainit na pinag-uusapan. Pero sa palitang Cascolan at Sinas, hindi lang mainit kundi “nagbabagang” pinag-uusapan ito, lalo sa social media.
May nagsasabi na tama ang Pangulong Rodrigo Duterte na si Sinas ang napili, pero mas higit na nakararami ang bumabatikos sa desisyong ito ng Presidente.
Kung bakit ganon na lamang ang galit ng taumbayan sa pagkaka-appoint kay Sinas, ito’y dahil sila’y may punto. Kung ilang beses kasing pumalpak si Sinas na tinawag nilang law breaker at kunsintidor sa mga sira ulong pulis.
Matatandaang sa kasagsagan ng kampanya noon ng Duterte Administration laban sa mga violators sa ipinapatupad na Bayanihan to Heal is One Act na isinasaad ang tungkol sa mga batas na may kinalaman sa paglaban ng gobyerno sa Covid-19 pandemic ay naging masigasig ang Duterte leadership sa pagpapatupad ng nasabing batas dahilan ng pagkaka-aresto at pagsampa ng kaso sa korte laban sa mga libu-libong violators na karamihan ay mga mahihirap.
Noong nakaraang Mayo sa kasagsagan din ng kampanya ng pamahalaan, si Sinas ay nag-viral matapos lumabas sa social media ang ginanap na 55th birthday sa mismong NCRPO Headquarter premises.
Batay sa mga lumabas na litrato na i-pinost ng NCRPO Public Information Office, lantaran ang ginawang paglabag ni Sinas at mga bisita nito sa isinasaad ng Bayanihan Act – walang mga face mask at nabalewala ang social distancing.
Sa panahong iyan, ipinagbabawal ang gathering dahil delikadong magkahawaan ng nakakatakot na Covid-19 virus, subalit ika nga ng mga netizen, ang mismong hepe ng Metro Manila Police na sana’y unang magpatupad ng batas ang siya pang nag-violate nito.
Bukod sa NCRPO blunder na ito, naging kontrobersiyal pa si Sinas dahil sa mga nagawang iba pang kapalpakan nito, subalit siya ang napili ni Pangulong Digong na mamuno sa mahigit 200,000 na miyembro ng Pambansang Kapulisan.
Kung binabanatan ng sambayanan si Sinas, aba’y kinaaawaan at pinupuri naman itong si Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Guillermo Eleazar, na tinawag nilang malinis at working general ng PNP.
Kung sabagay may punto ang mga netizen sa kanilang ipinaglalaban na opinyon na pumapabor kay Eleazar, dahil hindi lingid sa kaalaman ng madla na itong si Eleazar ay magaling at masipag na heneral.
Ganon na lamang, marahil ang simpatiya ng publiko kay Eleazar dahil nakikita nila ang kanyang pagiging totoong public servant, subalit tila hindi ito nakikita ng kasalukuyang liderato ng pamahalaan.
Hindi tulad ni Sinas na parang putok sa buho – biglang sumulpot from nowhere, nabigyan ng pagkakataong maging NCRPO chief na puro problema ang ipinakita, si Eleazar ay tumatak sa utak ng sambayanan dahil sa magandang ipinakita sa bayan.
Nagsimulang mapansin ng sambayanan itong si Eleazar nang pamunuan ang QCPD kung saan dinisiplina ang kanyang kapulisan sa distrito na naging dahilan ng pagkakasibak ng mga sira ulong pulis na sangkot sa kriminalidad at anomalya.
Sa kanyang liderato rin na-neutralize ang malalaking crime groups, kasama ang grupo ng mga nagtutulak ng droga. Ipinagpatuloy nito ang kampanya sa buong Metro Manila nang ito ay mahirang na NCRPO police director.
Mula noon hanggang ngayon, hindi nagkakamali si Eleazar sa trabaho dahil nang siya’y Deputy chief for operations ay na-appoint itong pamunuan ang PNP Task Force COVID 19 Shield na ipinapapagtuloy niya hanggang ngayong siya ang number 2 na o Deputy Chief of Administration ng pambansang kapulisan.
Dahil nga sa magandang ipinapakita ni Eleazar, inakala ng mga netizen na siya na ang papalit kay Cascolan bilang chief PNP, subali’t ang itinalaga ng pangulo ay si Sinas.
Talagang ganon, ang Presidente ang siyang may prerogatibo o may “say” sa kung sino ang kanyang gustong maging Chief PNP.
Kung sana ang Chief PNP ay pinipili sa pamamagitan ng election aba’y walang dudang runaway winner si Eleazar. Pero knowing Eleazar, paulit-ulit na siyang na-by-pass na PNP Chief pero nananatili ito as a good soldier o magaling na tagasunod sa kanyang amo na walang iba kundi ang pangulo.
Marahil, nalulungkot din si Eleazar dahil hindi siyaang napiling PNP Chief, pero the very reason na napakarami, milyones ang nakikisimpatiya sa kanya, pakiwari ko’y siya ang “People’s Chief PNP” at hindi si Sinas na Malacañang Chief PNP…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.