Advertisers
Ating ipinagdidiwang at ikinararangal ang ulat na ang ating bansang Pilipinas ay hindi na kabilang sa unang limang bansang pinakadelikado para sa mga mamamahayag.
Dahil sa ulat ng international na Committee to Protect Journalist (CPJ) na inilabas nito noon lamang October 28,2020, pang-pito na lamang tayo mula sa pagiging pang-lima, na mapanganib na lugar para sa mga taga-media.
Base kasi sa sukatan ng CPJ na Global Impunity Index 2020, nalalaman ang kakayahan ng bawat bansa na kaya nitong parushan ang sinomang gumawa ng karahasan sa mga taga-media.
Sa paliwanag ng CPJ, malaking bagay ang pagbaba ng hatol ng korte sa lahat ng sangkot sa Maguindanao Massacre ng November 2009 kung saan 58 walong katao kabilang ang 30 media practioners at dalawang manggagawa ang walang awang pinagpapaslang.
Ang karumal-dumal na masaker na iyon ang naglagay sa atin bilang mapanganib na bansa para sa mga media sa loob ng sampung taon, base sa sukatan o index ng CPJ. Kaya idineklara rin ng CPJ na ang hatol ng ating hukuman ay palatandaan na ang Pilipinas ay hindi na delikadong lugar para sa mga mamamahayag.
“Biggest mover” nga ang pagkaka-kilala sa atin ng CPJ dahil sa pagkaka-resolba ng kaso ng masaker. Ngunit binabantayan pa rin daw nila na base sa kanilang pagtatala ay may labing-isa (11) pang kaso ng pamamaslang sa media dito sa atin.
Bagay na ating nais linawin sa CPJ at pati na rin sa ating mga kababayan. Dangan kasi, bilang namumuno sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) alam natin na halos lahat ng 11 kasong tinuturan ng CPJ ay dinidinig na ng iba’t ibang korte sa bansa upang bigyan ng hustisya ang mga napaslang na mga mamamahayag.
At ipinangangako ng PTFoMS na ipagpapatuloy nito ang nasimulang trabaho upang maialis ang bansa sa listahan ng CPJ, hanggang sa dumating ang araw na wala ng taga-media sa Pilipinas ang mapapaslang habang ginagampanan nito ang kanilang mga tungkulin.
Ito rin ang pangako ni Justice Secretary Menardo Guevarra na Chairman din PTFoMS na nag-sabing gagawin niya ang lahat na legal na paraan para lamang protektahan ang hanay ng mga mamamahayag.
Ganun din naman si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na co-chairman din ng PTFoMS, ay nangangako rin ipagpapatuloy ng Administrasyong Duterte ang pagpapatupad ng malayang pamamahayag.
Ang sabi nga ng kalihim at aking boss, ang ulat daw ng CPJ ay patunay ng walang sawang pagpapahalaga ng pamahalaan na bigyan proteksiyon ang bawat taga-media sa mga pananakot at karahasan.