Advertisers
IGINIIT ni Sen. Grace Poe na dapat maglaan ng sapat na pondo sa taunang pambansang badyet para sa disaster mitigation, pagbangon at rehabilitasyon sa gitna ng pagiging lantad ng bansa sa natural na kalamidad.
“Masyadong maliit ang ating ipinupuhunan upang protektahan ang ating mamamayan at komunidad na nasa panganib ng kalamidad,” ayon kay Poe, awtor ng Senate Bill No. 124 o ang “Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act of 2019.”
Sa ilalim ng nasabing panukala, lilikha ng disaster risk reduction department na maglalaan ng tatlong porsiyento ng regular na kita ng pamahalaan para sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) ayon sa layunin ng Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Hindi puwedeng bawasan, ilipat, i-realign o gamitin sa ibang kadahilanan ang pondo ng NDRRM maliban sa itinakda ng batas, ayon sa panukala ni Poe.
“Dapat palaging may nakalaang pondo na gagamitin sa tama at hayag na pamamaraan upang pagaanin ang epekto ng kalamidad at magbigay ng tulong sa ating mga kababayan,” saad ni Poe.
Sa umiiral na batas ngayon, pangunahing pinaggagamitan ang NDRRM fund sa mitigation, prevention at preparedness activities kabilang ang serbisyong post-disaster relief, pagbangon at rehabilitasyon.
Sa kabila ng pagiging disaster-prone ng bansa, binanggit ni Poe na nababawasan ang NDRRM fund o calamity fund ilang taon na. Nitong 2017, ibinaba sa P15.8 bilyon ang pondo mula sa nakaraang P38.9 bilyon. Mula sa P20 bilyon noong 2019, binawasan ito sa P16 bilyon nitong 2020. Sa 2021, aabot sa P20 bilyong lebel ang badyet.
Ayon kay Poe, naharap ang ating bansa sa pagkasira at maraming nawalan ng tahanan sanhi ng pag-alboroto ng Bulkang Taal sa unang bahagi ng taon. Ilang bagyo din ang dumaan na sinalanta ang maraming lalawigan sa nakalipas na buwan, tulad ng bagyong Quinta at Rolly, na nag-iwan ng matinding pinsala.
Nasa ika-siyam na ranggo ang Pilipinas sa 2019 edition ng World Risk Index. Aabot sa 20 bagyo at iba pang matitinding weather disturbance ang nakakaapekto sa bansa sa bawat taon.
“Ang pagpaplano at pagkilos nang maaga ay praktikal, mas epektibo at mas makatao dahil makapagliligtas ito ng buhay at kabuhayan,” ayon kay Poe.
Iginiit pa ni Poe na kapag may sapat na pondo para sa kalamidad, matitiyak na hindi mahihirapan ang mga lokal na pamahalaan upang tulungan ang komunidad na sinalanta ng krisis. (Mylene Alfonso)