Advertisers

Advertisers

Maganda ang layunin ng P16.4-B ng NTF-ELCAC

0 699

Advertisers

HINDI ako magtataka na tahasang tutol sa P16.4 bilyong nakalaang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa 2021 ang mga komunista at mga naniniwala sa kanila dahil sa paglaban at pagsugpo sa armadong pakikibaka ang layunin ng naturang bilyun-bilyong pondo.

Ngunit, kung kalaban, o kritiko ka na ng Communist Party of the Philippines / New Peole’s Army / National Democratic Front of the Philippines (CPP/NPA/NDFP) ay pihadong pabor ka sa P16.4 bilyong nakalaan sa NTC – ELCAC para sa susunod na taon.

Ang layunin ng pondo ay tustusan ang mga proyektong magbibigay daan upang sumulong at umangat mula sa kahirapan ang maraming barangay sa bansa.



Sa gayon, ang malalang kahirapang umiiral sa mga barangay ay hindi na maging batayan upang magpatuloy ang pasusulong ng armadong pakikibaka ng mga Filipinong kasapi ng CPP/NPA/NDFP upang maitayo ang pamahalaang kontrolado ng iilang pangunahing kadre ng CPP.

Sa gayon, hindi na rin manatiling base at pamayanan ng mga kadre ng CPP at kumander at mga sundalo ng NPA ang nasabing mahihirap na mga barangay.

Napakaraming mahihirap na barangay sa bansa, lalo na sa mga lalawigan, ngunit hindi lahat napuntahan at nakilusan ng CPP/NPA/NDFP at ng kanilang mga organisasyong masa upang ang mga pangkaraniwang tao sa mga nasabing lugar ay humawak din ng mga armas at makipagbarilan sa mga sundalo sa konteksto ng “pangmatagalag digmang bayan”.

Maganda na magkaroon ng mga sementado, o aspaltadong, mga kalsada, irigasyon, klinika, kabuhayan, paaralan at iba pa.

Kung hindi mababago ang mga masasamang kalagayan ng mga barangay, walang dudang patuloy itong kontrolado ng CPP/NPA/NDFP.



Patuloy itong gagamiting base at komunidad ng mga tauhan ng NPA na narekrut mula sa mga kaliwang organisasyon ng masa na nagsusulong din ng pambansa – demokratikong adyenda tulad ng CPP/NPA/NDFP.

Naninindigan ang pamunuan ng CPP/NPA/NDFP na napakarami nitong hawak at kontroladong mga barangay, kaya patuloy na nagbabayad ng buwis ang mga malalaking korporasyon tulad ng mga Globe Telecommunications at Smart Communications upang huwag pasabugin ang kani-kanilang mga tore.

Milyun-milyong salapi ang nakararating sa CPP/NPA/NDFP.

Sa napakalaking perang ito, 60 porsiyento ang nakararating sa pangkat ni Jose Ma. Sison sa The Netherlands.

Pokaragat na ‘yan!

Kani-kaninong pinuno ng CPP/NPA/NDFP dito sa Piipinas napupunta ang 40 porsiyento?

Kasama bang nababahagian ang mga mahihirapan na barangay na base at kuta ng mga pinuno ng CPP/NPA/NDFP, o hindi?

Panahon nang bigyan ng kaukulang pansin ng pambansa at lokal na mga pamahalaan ang mga barangay.

Obligado nang paunlarin at iangat ang ekonomiya ng mga mahihirap na barangay upang makalaya na ang mga ito mula sa kontrol ng CPP/NPA/NDFP.

Kung sakaling manatili ang P16.4 bilyon sa NTF – ELCAC para sa susunod na taon, tiyakin naman ng nasabing ahensiya na maipapatupad at makakamit ang mga espesipikong programa at proyekto nito.

Huwag nang gayahin ng NTF – ELCAC ang mga kagawaran at ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI) at iba pa na regular nang balon ng korapsyon at pandarambong ang pondong inilalaan sa kanila kada taon ng pambansang pamahalaan.

Pero syempre, nararapat lamang na tumulong ang mga pamahalaang lokal na mapalaya ang mga barangay nilang base, kuta, lungga at kontrolado ng CPP/NPA/NDFP.

Malaking bagay na magtagumpay ang NTC – ELCAC, sapagkat tumutulong ito sa mapayapang ‘pagresolba’ at ‘pagwawasto’ sa halos 52-taong armadong pakikibakang pinamumunuan ng CPP tungo sa pagpapatupad ng pambansa – demokratikong adhikain at lipunan sa bansa, gamit ang kaisipang Mao Tse – Tung.

Patutunayan din ng NTF – ELCAC na higit na tama na umaksyon laban sa CPP/NPA/NDFP nang direkta sa mga barangay kaysa makipag-usap sa pangkat ni Sison na napakatagal nang nakabase at nakatira sa The Netherlands.