Advertisers

Advertisers

DPWH ghost projects, tatalupan – Bong Go

0 272

Advertisers

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na kabilang sa sisiyatin ng expanded task force na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang systemic corruption at mga umano’y “ghost projects” sa Department of Public Works and Highways.

Sa panayam sa kanya matapos pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa flash flood victims sa San Pablo City, Laguna, sinabi ni Go na inatasan ng Pangulo sa task force na i-audit ang mga umano’y ghost projects sa DPWH. Ang task force ay pangungunahan ng Department of Justice.

“Tuluy-tuloy po iyan, pinapasilip na po ni Pangulo ‘yung mga ghost projects. Pinapasilip n’ya dito sa mega task force, pinapa-audit niya po ang lahat ng mga, ‘ika nga, kung mayroong mga ghost project, at mananagot po ang dapat managot. Tuluy-tuloy po ‘yan,” ang paniniyak ni Go.



Binalaan ang mga public official na hindi makakasunod sa polisiya ng Pangulo laban sa katiwalian, sinabi ni Go na mahaharap sila sa parusa.

“Alam n’yo nasa tao na ‘yan. Kung korap ka talaga, kung gusto mong pumasok sa korapsyon, eh, korap ka talaga. Parating sinasabi ni Pangulo tuwing may ina-appoint s’ya sa gobyerno, ‘Just do what is right and avoid corruption’,” ani Go.

“So pag pumasok ka sa korapsyon, hindi mo sinunod ‘yung paalala ni Pangulo, you face the consequence. Kung sisibakin ka, kakasuhan ka, ikukulong ka, face the consequence. Talagang tutuluyan kayo ni Pangulo. Tutuluyan namin kayo,” idinagdag niya.

Umapela siya sa mga korap na government officials na kung may konsensiya pa ay magsipagbago na kung ayaw nilang mawala sa kanilang trabaho.

“‘Yung mga korap sa gobyerno, maawa naman kayo sa taumbayan. Nagbabayad ng buwis ang mga ‘yan, they expect nothing less. Lahat po ng binayad nilang buwis ay magagamit po sa tama at wala pong masasayang. Walang masasayang, walang matatapon po dahil sa korapsyon,” ayon sa senador.



Kaugnay nito, pinuri ni Go si Sec. Mark Villar sa naging desisyon nitong magbuo ng isang grupo para magsiyasat sa mga sinasabing korapsyon sa DPWH.

“Gusto ng Pangulo na mag-iwan ng pagbabago sa bansa lalo na sa kampanya laban sa korapsyon — pagbabagong ramdam dapat ng taumbayan. Gusto niya maalala ng tao na nilabanan niya lahat ng corruption sa gobyerno,” ayon kay Go. (PFT Team)