Advertisers
BINALAAN ni Senate committee on health, Senator Christopher “Bong” Go ang lahat ng ospital, testing laboratories at iba pang healthcare providers na huwag maging mukhang pera at sa halip ay sundin ang wastong presyo para sa COVID-19 tests at test kits.
“Dapat silang sumunod at parusahan ang dapat paparusahan diyan kapag hindi sila sumunod. Uulitin ko, hindi ito ‘yung panahon ng pananamantala sa ating mga kababayan. Naghihirap ang ating mga kababayan. Tumulong kayo, ‘yun na ang magiging kontribusyon ninyo. Huwag ninyo pong gawing negosyo ang kalusugan ng bawat Pilipino,” ang pahayag ni Go.
Nitong November 4, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 118 na nag-aatas sa DOH at DTI na magdetermina at magtakda ng nararapat na halaga para sa COVID-19 tests at test kits.
Inatasan din ang DOH at DTI ng Pangulo na mag-monitor at irebyu ang mga presyo ng COVID-19 tests at maglabas ng price control measures kung kinakailangan.
Binantaan ni Go ang mga tiwaling negosyante na sinasamantala ang pandemya para kumita sa kanilang testing services.
“Alam ninyo na importante ‘yung COVID-19 testing. Eh pinagsasamantalahan ninyo pa ang sitwasyon ng ating mga kababayan. Naghahanap na nga ng libre ang ating mga kababayan. Kaya nga may [Philippine Health Insurance Corporation] tayo para magbayad sa mga COVID-19 testing,” ani Go.
“Tapos ngayon, taking advantage of the situation naman kayo dahil sa pangangailangan ng mga kababayan natin. Hindi po puwede ‘yon! Pananagutin namin kayo,” ang babala pa niya.
Pinag-aaralan ng DOH at DTI ang posibilidad na patawan ng parusang multa at pagkakulong ang mga lalabag na manufacturers, importers, traders, distributors, wholesalers, retailers, healthcare providers o kahit ang mga lisensiyadong COVID-19 testing laboratories na mananamantala.
Samantala, pinaboran ng senador ang pag-aaral ng OCTA Research Group na ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa ay hindi pa bumababa.
“Totoo ‘yung sinabi ng OCTA, delikado pa. Let’s not be complacent sa situation dahil nandidiyan pa ang COVID. Hindi pa nawawala ang COVID-19,” aniya. (PFT Team)