Advertisers
NASAWI ang isang lalaking lasing nang tumalon sa police patrol car habang patungo sa presinto para sana imbestigahan sa Capiz.
Kinilala ang biktima na si Erwin Patanao, 23, residente ng Barangay Rizal, Pontevedra, Capiz.
Ayon kay Police Major Christopher Candelario, hepe ng Pontevedra Municipal Police Station, naganap ang insidente Sabado ng gabi sa Barangay Tacas ng nasabing bayan.
Sa ulat, bago ang insidente ay may naganap na aksidente na kinasasangkutan ng biktima at pinsan nito.
Dahil dito, inimbitahan ng mga pulis si Patanao sa himpilan ng pulisya para sa karagdagan imbestigasyon. Isinakay ito sa likuran ng patrol car na siya lamang mag-isa ang nakasakay.
Ilang minuto ang nakalipas, nagulat ang mga pulis na nasa unahan nang biglang may tumalbog sa likod ng sasakyan.
Nakita na lamang nilang nahulog ang biktima sa kalsada na nabagok ang ulo. Agad dinala sa Bailan District Hospital ang biktima pero nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.
Hinala ng mga awtoridad, tinangkang tumalon ng biktima sa sasakyan dahil lasing ito na nagresulta ng kanyang kamatayan.(PFT team)