Advertisers

Advertisers

DUROG SI TRUMP

0 632

Advertisers

NAGKATALO sa early vote system ang halalang pampanguluhan sa Estados Unidos. Hindi mapigil ng kampo ni Donald Trump ang daluyong ng mga boto para sa kanyang kalaban na si Joe Biden. Halos walo kada sampung boto sa early voting system ang napunta kay Biden. Habang isinusulat namin ang kolum na ito, mukhang si Biden ang susunod na pangulo ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo.

Dahil sa pandemya sa Estados Unidos, itinalaga ang early voting system kung saan nakaboto ang mga botante sa pamamagitan ng mail system. Bumoto sila ng maaga at ipinadala ang balota ng koreo. Ginawa ang bagong sistema upang maiwasan na magkumpulan ang mga botante sa mga polling precinct at kumalat ang pandemya.

Maraming botante ang natakot sa pandemya. Naisip ng marami sa kanila na walang ginawang epektibo ang administrasyon ni Trump na masugpo ang pandemya. Kaya mas malamang na iboto nila si Biden. Lampas 100 milyon ang bumoto sa pamamagitan ng mail system. Alam ni Trump na durog sila sa sistemang ito.



Huling binilang ang mga early votes. Dumagsa ang mga boto para kay Biden at walang magawa si Trump kundi magtatalak. Dinaya daw siya. Nakakatawa na kahit sa Estados Unidos, hindi natatalo ang mga kandidato. Dinaya lamang sila.

May nagtatanong kung may pakinabang ang Filipinas sa nakatakdang pagpapalit ng liderato sa Estados Unidos. Sa ganang amin, malaking pagbabago ang aming nakikita. Pinakamatindi sa usapin ng karapatang pantao. Hindi sinusuportahan ng Partido Demokratiko, ang lapian ni Biden, ang madugong digmaan ng kontra sa illegal na droga na kasalukuyang itinataguyod ng gobyerno ni Rodrigo Duterte.

Hindi sinusuportahan ng lapian ni Biden ang patuloy na pagkakapiit ni Senadora Leila de Lima. Nakikita namin ang matinding pressure ng gobyernong Biden na palayain si de Lima. Wala silang bilib kay Duterte na sa ganang kanila ay lumalabag sa karapatang pantao ng mga kalabang pulitikal.

Maaari magkaroon ng epekto sa halalang pampanguluhan ng Filipinas sa 2022 ang pagpapalit ng gobyerno sa Estados Unidos. Malamang na harangin ng Washington ang anumang tulong at pakikialam ng China sa susunod na halalan ng bansa. Sa maikli, hindi makakaporma ang Davao Group sa susunod na halalan.

***



KARMA ang inabot ni Trump sa estado ng Arizona. Ininsulto ni Trump noong nabubuhay si Senador John McCain, ang paboritong anak ng Arizona. Dahil napabagsak ng mga tropang North Vietnamese ang eroplano ni McCain at nahuli at nakulong ng limang taon si McCain, ininsulto ni Trump na tanga si McCain. Piloto si McCain ng eroplanong pandigma ng Estados Unidos sa kasagsagan ng Vietnam War.

Mukhang matatalo sa Arizona si Trump. Hindi sila sang-ayon sa batikos ni Trump kay McCain na namatay dahil sa kanser. Para sa mga taga-Arizona, bayani si McCain. Kinilala nila ang kadakilaan ni McCain sapagkat naging matatag siya sa kanyang paninindigan kahit ikinulong at ginulpi siya ng mga sundalong Vietnamese.

Kahit si Barack Obama na nakalaban ni McCain sa halalang pampanguluhan noong 2008 ay kumilala sa kabayanihan ni McCain. Sa gitna ng matinding batuhan ng putik, hindi binatikos ni Obama ang war record ni McCain at tinawag pa siyang isang bayani. Hindi pumayag ang Arizona sa kustumbre ni Trump at pinarusahan siya.

***

MAY nagtanong sa amin kung ano ang gagawin ni Trump. Simple ang sagot: Maaari niyang subukan na tumakbo muli sa 2024. Pinakamaganda ang magpahinga muna sa susunod na apat na taon. Nangyari ang ganyan sa kasaysayan ng Estados Unidos.

Nanalo si Grover Cleveland noong 1884 si Cleveland ngunit tinalo siya ni Benjamin Harrison sa halalan ng 1888. Nagpahinga sa sumunod na apat na taon. Tumakbo uli at nanalo laban kay Harrison noong 1892. Isa lang ang problema ni Trump. Maraming magagaling sa Republican Party at hindi siya pagbibigyan ng mga sumisikat na Republican.

May sinabi si Joe Biden na isang termino lamang siya. Dahil siya ang pinakamatandang pangulo na nahalal sa Estados Unidos edad 77, plano niya ang magretiro sa 2024. Papasikat naman si Kamala Harris ang bise president ni Biden. Mahihirapan si Trump na manalo kay Harris na isang epektibong public speaker.

***

HINDI namin maaalis ang magtaka at masuklam sa mga Filipino na panatikong sumusuporta kay Trump. Hindi sila nalalayo sa mga taga-suporta ni Rodrigo Duterte. Masyadong emotional at maramdamin. Labis silang naniniwala na kampi sa China si Biden. Ang problema ay wala naman silang inihaharap na ebidensiya. Basta pro-China siya, iyan ang palaging sinasabi.

Hindi kami naniniwala na basta iiwan ng gobyernong Biden ang usapin sa China at aalisin ang puwersang Amerikano sa South China Sea. Kalokohan lang ni Trump na ipamarali na pro-China si Biden kahit walang malinaw na ebidensiya kundi suspetsa. Bahagi lamang ito sa sabuyan ng putik sa tuwing may halalan. Nabuhay sa kasinungalingan si Trump.

Pinakamagandang tumahimik na lamang ang mga Filipino na sumusuporta kay Trump. Talunan at kanilang manok at mas maganda na paghilumin na lang ang sugat ng pagkatalo. Ayaw ng mas maraming Amerikano kay Trump. Iyan ang malinaw na mensahe.

***

MGA PILING SALITA: “If AFP won’t defend Angel Locsin’s right to privacy and dignity under the Constitution, who will? The Senate hearing [Wednesday] was frightening, a roomful of arrogant generals proposing more propaganda and more tagging. None defending the Constitution. None defending the innocent.” – Joe America

“ALL Donald Trump could do is to delay Joe Biden’s proclamation by pursuing legal challenges. Even his fellow Republicans know he is a beaten man… He’s just a one-term president.” – PL, netizen

“It’s getting obvious that Donald Trump will soon join Herbert Hoover, Jimmy Carter, and George Bush, all one-term presidents.” – Shintaro Abe, netizen

“Trump wants vote count halted in states where he is losing. If it is Trump’s votes count them. If it is Joe Biden’s toss them out.” – Roly Eclevia, netizen

“Somehow, the psychology of fear had some impact on American voters. Some U.S.-based friends said voters who did the early voting were the ones who got fearful of the coronavirus pandemic. They were voters who did not believe that Donald Trump did something to contain the pandemic. They were the non-believers. There was no reason for them to vote for Trump. Hence, fear was directed at Trump’s incompetence. Most voters who opted for early voting elected Joe Biden. That was for certain. There was no reason to vote Trump when they were fearful of the pandemic. When counted, the early votes would spell a big difference in the outcome of the 2020 U.S presidential polls.” – PL, netizen