Advertisers
MAGRERETIRO na sa Nobyembre 10 ang kasalukuyang PNP Chief na si Camilo Cascolan sa kanyang ika-56 kaarawan, retirement age para sa PNP.
Kaya inaabangan ngayon kung sino ang ipapalit sa kanya ni Pangulong Rody Duterte.
Kung seniority ang pagbabasehan sa pagpili, nandiyan si Police Lieutenant General Cesar Hawthorne R. Binag na three-star general.
Oo! Tatlumpu’t pitong (37) taon na sa serbisyo itong si Binag. Siya ay nagawaran ng sari-saring award, katulad ng Gold Cross Medal for Gallantry in Action, United Nations Mission in Liberia Outstanding Leadership Awards, Outstanding Achievement Medals at marami pang iba.
Isa sa pinakamahalaga niyang ginampanan sa pwersa ay ang Internal Cleansing Committee kungsaan pinangunahan niya ang paglilinis sa mga hanay, pagsibak at pagkaso sa mga bulok na mga pulis.
Nandyan din si Major General Guillermo Eleazar na maaalalang pinangunahan ang pag-implement ng ‘Bayanihan to Heal as One Act’ sa Lalawigan ng Cebu na noo’y naging kritikal na ang numero ng mga tinatamaan ng Covid-19. Kasama si DENR Sec. Roy Cimatu ay naging matagumpay ang misyon nila sa Cebu.
Nasa radar din si Major General Joselito Vera Cruz na tumatayo ngayong acting chief directorial staff.
Nitong mga nakaraang araw ay naging usap-usapan sa mga kapihan sa Kamaynilaan ang isang alyas “Iron Lady” na umano’y backer ni NCRPO chief Debold Sinas para sa pagka-PNP Chief.
Ang Iron Lady pala na tinutukoy sa mga usapan ay si PCSO Gen. Manager Royina Garma, ayon sa isang pahayagan. Si Garma ay isang retired police Colonel na nagretiro ng maaga sa serbisyo dahil sa kanyang appointment sa PCSO. Siya ay huling nagsilbi bilang hepe ng Cebu City PNP.
Bakit naman si Garma ang natukoy sa mga kapihan? Sobrang close kasi ng dalawa, na nung panahong maianunsyo ang appointment nito sa charity agency, si Sinas ang kauna-unahang opisyal na pumalakpak at pumuri sa retiradong Colonel.
Sanggang-dikit talaga sina Garma at Sinas kaya naman hindi malayong ang dating alkalde ng Cebu City na si Tomas Osmena ay sinisi pa ang dalawa sa paglaganap ng riding-in-tandem sa siyudad.
“When they (Garma and Sinas) came in, we have all of these killings,” pahayag ni Osmena noon.
Si Sinas ang tumatayong direktor noon ng Police Regional Office ng Centra Visayas (PRO-7) at si Garma ang direktor naman ng Cebu City Police Office. Talagang team ang dalawa sa perception ng mga tao sa Visayas.
Bakit naman “Iron Lady” ang taguri kay Garma? Marahil dahil narin sa paninindigan nito sa kanyang trabaho. Maaalalang may ipinakulong itong tao na umano’y nag-attempt siyang suhulan noong kakaupo pa lamang nyang PCSO General Manager.
Wala namang masama kung taya si Garma kay Sinas lalo’t kung magkaibigan sila, ngunit angkop ba at napapanahon ba na isang Sinas ang maging PNP Chief?
Maaalalang napasok sa kontrobersiya si Sinas dahil sa kanyang mananita birthday celebration sa gitna ng total lockdown noon. Maraming Pilipino ang kinondena ang pangyayari at iginawi ni Sinas dahil mismong isang top official ng PNP ang lumalabag sa ‘Bayanihan to Heal as One Act’ na habang ang buong bansa ay nagsisikap na sundin ang nasabing batas. Kung sino pa ang tagapag-tupad ay siya pa ang pasimuno sa paglabag.
Hindi rin makalimutan ng media na bukod tanging si Sinas lamang sa naging NCRPO Chief ang nagtanggal sa press office sa NCRPO headquarters.
Paano mo ngayon masisikmurang i-appoint ang isang katulad ni Sinas bilang PNP Chief na bukod sa violator, walang transparency? Mismo!