Advertisers
HINAHAMON ng mga mambabatas mula sa ‘Makaba-yan Bloc’ ang kanilang kapwa mga mambabatas na isapubliko rin ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth para sa taon 2019 upang malaman kung totoong tapat ang mga ito sa kanilang SALN.
Una nang naglabas ng kanilang SALN ang Makabayan Bloc members, mga militanteng mambabatas sa Kamara na sina France Castro ng ACT Teachers Partylist; Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ng Bayan Muna Partylist; at Sarah Elago ng Kabataan Partylist alinsunod sa ipinag-uutos ng Saligang Batas, RA 6713 – An Act establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Partikular na hinahamon ng Makabayan Bloc lawmakers sina Speaker Lord Allan Velasco at House Majority Leader Martin Romualdez na tumanggi raw isapubliko ang kanilang SALN.
Bakit naman kaya ayaw ilabas nina Velasco at Romualdez ang kanilang SALN? May itinatago ba sila? May mga tagong yaman ba sila na hindi nakadeklara sa kanilang SALN?
At bakit naman kaya naghahamon itong mga militanteng mambabatas? Siguro may mga alam silang nakatagong kayamaman nitong sina Velasco at Romualdez na hindi nakadeklara sa kani-kanilang SALN? Hmmm…
Isa sa mga sinisilip sa SALN ay ang pagkakaroon ng conflict of interest ng government officials, hindi nito pag-dedeklara ng mga ari-arian at shares of stock sa mga negosyo.
Sabi, si Velasco ay mayroong malaking shares sa San Miguel Corporation, pasok daw sa top 100 stockholders base sa 2017 report ng SMC; at may 2% shares sa Petron na mga hindi nakatala sa kanyang SALN.
Si Speaker Velasco ay malapit kay Ramon Ang, ang presidente at CEO ng Top Frontier Investment Holdings, Inc., ang may pinakamalaking shareholder ng San Miguel Corporation, at sa Petron Corporation.
Kapag napatunayang nagsisinungaling si Velasco sa kanyang SALN, wasak ang political career niya.
Remember late ex-Chief Justice Renato Corona at ex-Chief Justice Ma. Lourdes Sereno? Na-impeach sila dahil sa umano’y pagsisinungaling sa SALN.
Ilang mayors at gobernador na ba ang nahatulan ng Sandiganbayan sa ‘di pagsusumite at pagsisinungaling sa SALN? Banggitin natin sina dating Sulu Governor Abdusakur Tan Sr., kanyang anak na mayor na si Samier Tan ng Maimbung, Sulu; Mayor Cesar Soriano ng Siocon, Zamboanga del Norte; Mayor Gwendolyn Ecleo ng Dinagat Island; Mayor Montaser Sabal ng Ta-lisay, Maguindanao; at Mayor Cecilia Luna ng Lagayon, Abra
Pag ganitong papalapit na ang halalan, talagang magkakalabasan na naman ng baho itong mga politiko. Dito mo nga malalaman kung anong klase ang pagkatao ng iyong ibinoto. Mismo!
***
Si President Rody Duterte ay hindi rin nagsumite ng SALN simula pag-upo niya noong 2016. Siya lang ang tanging pangulo ng bansa na itinago sa publiko ang SALN.
Samantalang ang kanyang Vice President na si Leni Robredo ay consistent sa pagsumite ng SALN.
Ang SALN nina Duterte at Robredo ay nasa Office of the Ombudsman.
Kamakailan ay naglabas ng order si Ombudsman Samuel Martires na ‘wag nang mag-release ng SALN sa publiko kung ayaw ng opisyal.
Pagtataksil sa Konstitusyon ang ginawang ito ni Martires.