Advertisers

Advertisers

Tunay na layon ng E.O. 70

0 487

Advertisers

Ang pagtanggi o di pag-sang-ayon ay mabuti. Maging ang pagsasabi ng totoo. Ang malayang pananalita at malayang paghahayag ng saloobin ang pinaka-mahalagang aspeto ng demokrasiyang umiiral na plataporma ng lipunan nating ginagalawan. Ito ang nagbibigay ng katiwasayan.

Ngunit ang di pag-sang-ayon, o ang pagtanggi na mapakinggan ang saloobin ng kabilang panig at magdesisyong mag-aklas na lamang at humawak ng armas at idaan sa dahas ang puntong ipinagdidiinan o ipinaglalaban, ay ibang usapan na. Ang gawing iyon ang nagtatapos na sa mapayapang talakayan.

Dahil ang mga taong gumagamit na ng armas at dahas ay di na makikinig sa anumang ipinupunto o dahilan ng kabilang panig o kausap. At kung di sasang-ayon sa kanila, maaaring ikaw o sila na rin ay masawi.



Alam na natin ito at nabalitaan na ang mga nangyari sa ating mga kababayan, lalo na sa libo-libong biktima ng paglilinis sa hanay na ginawa ng mga maka-komunistang samahan, ilan dekada na ang nakaraan. Pinaratangan ang karamihan sa kanilang mga kasamahan o kadre na mga taksil at walang awang pinaslang at ibinaon na lamang sa mga tagong libingan.

Napaslang dahil tumanggi at di na sumang-ayon sa maling paniniwala na pilit na ipinaglalaban sa pamamagitan ng armas at dahas, kaya pinaratangan na lamang na mga taksil sa samahan.

Ito ang nais wakasan ng Executive Order 70 na ipinag-utos ni Pangulong Duterte, ang pagtatatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Layon ng kautusang ito na malaman ang ugat ng di pag-sang-ayon ng ilan nating mga kababayan na nahikayat nang sumanib sa komunistang-teroristang samahan, lalo na ang mga nasa kanayunan.

Ngayon nga ay tila nahalingtakutan na ang komunistang-teroristang samahan, ang CPP-NPA (Communist Party of the Philippines-National People’s Army) sa Executive Order na ito. Ginagawa na ang lahat upang pigilan ang panawagan ng kapayapaan.

Pagpapakita ito na binabagabag na sila ng Executive Order 70 na parang tinatanggap na nila ang kanilang pagkatalo at pagkalagas ng kanilang mga kasapi. Hindi naman tayo susuko dahil patuloy ang ating pagdami sa paghahangad ng kapayapaan at katahimikan para sa lahat. Hindi tayo titigil hangga’t di natin nararating ang tunay na tagumpay – ang pagwawakas ng samahang komunistang-terorista.



Yan ang talagang layunin ng E.O. 70, tapusin ang walang saysay na di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng mahusay na pamamahala na ginagawa ng Administrayong ito, na may pagsuporta ng higit 90 porsiyento ng mga Filipino.

Wakasan ang di pagkaka-unawan na wala namang kinauuwian kundi kahirapan sa mga biktima nito. Wala pa rito ang bilang ng winasak na pamilya at kinabukasan ng mga kabataang niloko sa maling paniniwala upang sumama sa kanila. Napasama ako noon sa aking murang gulang at naranasan sa samahan ang mala-impiyernong pamumuhay bilang kasapi dahil nabulag ng mga kasinungalingan ng mga nakakatandang kadre at opisyal.

Hanggang dumating sa aking katinuan na kami’y ginagamit lamang pala sa maling armadong pakikibaka upang itaguyod ang maka-sariling banyagang idolohiya. Nagawa kong makabalik sa tamang katinuan at manumbalik ang magandang pakikitungo ko sa aking mga magulang, kaanak at kaibigan.

Isang malaking pagkakamali.

Kaya nagawa ko ang piyesang ito dahil pinahahalagahan ko ang malayang talakayan na siyang naka-angkla sa tunay na demokrasya. May pagkakataon pang bumangon sa maling paniniwala.