Advertisers
TINATAYANG nasa P2 milyon halaga ng shabu ang nasabat sa “Oplan: Greyhound” sa loob ng piitan sa Guiguinto, Bulacan nitong Linggo.
Natuklasan ang droga na itinatago ng mga preso na sina Julius Francisco alyas “Mayor”, 40, ng Barangay Malis, Guiguinto; John Reynald alyas “JR”, 32, ng Brgy. Poblacion; at Khal Man Llamosa alyas Jokjok”, 38, ng Malhacan, Meycauayan.
Sa report ni Guiguinto acting chief of police Lt/Col. Luis Guisic, isinagawa ang Oplan: Greyhound ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan Provincial Intelligence Branch, Guiguinto Police, at Bulakan Police 6:30 ng gabi.
Ayon kay Lt. Renz Principe ng Bulacan Intelligence Unit, nag-ugat ang operasyon nang mahuli ang isang parokyanong drug suspect na si alyas “Boy Hilot” nitong Sabado sa bayan ng Bulacan.
Sa kanilang tactical interrogation kay Boy Hilot, itinuturo nito ang isang “Mayor” at dalawang kasabwat na trustees o living-out na preso sa kulungan bilang kanyang source ng droga.
Dahil dito, agad nagsagawa ng follow-up operation at surveilance hanggang makitang may lumalabas na dalawang living-out na presong nag-aabot ng droga at tagakuha ng bayad para sa kanilang source na “Mayor” sa kulungan.
Nang galugarin ang kulungan, nasamsam ang dalawang malaking plastic sachet kay alyas JR, habang dalawa rin na malaking plastic sachet kay alyas “Jokjok” at 18 malalaking sachet ng shabu ang nakuha kay alyas “Mayor”.
Patuloy pa ang follow-up operation ng mga operatiba para madakma naman ang mga nasa likod at kung sino ang mga nakapatong sa bentahan ng iligal na droga sa loob ng kulungan. (James de Jesus/Mark Obleada/Thony D. Arcenal)