Advertisers
LAGUNA – Dalawang hinihinalaang miyembro ng ‘gun for hire’ ang nasawi matapos umanong manlaban sa tumutugis na mga operatiba ng Special Operations Division Task Force Limbas ng Highway Patrol Group, Regional Highway Patrol Unit 4A (RHPU4A) at Binan City Police sa bahagi ng Manila South Road, Barangay San Antonio, Binan City.
Sa ulat ni Lt. Col. Giovanni Martinez, hepe ng pulisya, kay Calabarzon PNP Director BGen. Vicente Danao Jr., naganap ang engkwentro bandang 1:00 Linggo ng madaling araw.
Nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ni Martinez, RHPU4A chief Lt. Col. Samson Belmonte, at Task Force Limbas chief Lt. Col. Joel Manuel Ana matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay ng isasagawang paglikida ng mga suspek sa isang lokal na opisyal sa Binan.
Sa inilatag na checkpoints, namataan ng mga operatiba ang target na sasakyan ng mga suspek na kulay asul na kotseng Ford Fiesta, na may nakakabit na plate na “MAYOR” sa harapan at TFF04 naman sa gawing likuran sa Shell gas station sakop ng nabanggit na barangay.
Sa ulat, sa halip na huminto sa checkpoint, humarurot ang kotse habang nagpapaputok ng baril patungo sa bahagi ng Pavillon Malls. Tinugis ito ng mga pulis, pagpapalitan ng mga putok hanggang sa makorner ang target at niratrat ng mga pulis.
Nakuha sa bangkay ng mga hindi pa nakikilalang ex-convicts ang kalibre .45 at kalibre 38 pitols, mga bala, pekeng ID, pekeng plaka, at sasakyan na hinihinalang ginagamit ng mga ito sa kanilang operasyon.
“Let this be a reminder to all crooks out there that justice does not sleep,” babala ni HPG Director Gen. Alexander Camilon Tagum. (DICK GARAY)