Advertisers
DUMADAGSA ang mga nagrereklamongsubscriber ng Philippine Long Distance Company (PLDT) sa Batangas City dahil sa mala-sindikatong aktibidad ng kahera ng naturang kompanya, na lalo pang pinabibigat ng tanggapan ng customers service department dahilan sa paghingi nito ng mga rekisitos para maituwid ang epekto ng malaking kabalbalan ng kanilang cashier.
Duda ng mga apektadong subscribers na may sapakatan sa pagitan ng PLDT cashier at ang PLDT Customers Service Department sa nasabing lungsod.
Ang mga nagaganap na anomalya ay dapat na agarang mapaimbestigahan ng PLDT hierarchy, lalo na ng Legal Services Department nito. Kailangang makarating din sa kaalaman ito ni PLDT Chief Executive Officer (CEO) Manuel V. Pangilinan.
Noong buwan ng Agosto 17, 2020 ay una na nating natalakay ang ginagawang kabalbalan sa PLDT branch sa Noble Street, Batangas City dahil naman sa paniningil ng “advance payment” ng office cashier nito sa mga kliyente ng nasabing telecommunication company.
Agad namang naghugas kamay ang Customers Service Department ng nasabing company at itinurong responsable ay ang kahera ng kanilang collecting agent na Customer Frontline Solution Inc., na siyang may pakana sa paniningil ng advance payment ng telephone billings ng mga subscriber.
Ngunit nito namang bandang umaga ng October 30, 2020 ay nag-uumapaw ang opisina ng PLDT ng galit na kliyente dahilan sa iba’t-ibang kapalpakan na naman ng nasabing kompanya.
Unang-una reklamo ng mga ito ang nagkadoble-dobleng payment nila na hindi naman naipapasok sa kanilang account at sa halip ay sa ibang account nai-credit.
Itinanggi pang ibigay ng customer service employee ang pangalan ng kanilang kahera na itinuro na namang reponsable sa paglilipat ng payees account sa pangalan ng ibang subscribers.
Palusot pa ng nasabing empleyada na tumanggi ring ibigay ang kanyang pangalan na “human error” daw ng kanilang kahera kung kaya’t nailagay sa ibang account ang payment ng mga nagrereklamong mga customer.
Dagdag pa ng naturang empleyada, hindi kahera ng PLDT ang ang nag-oopisina sa PLDT at ito ay personnel ng kanilang service provider, kaya wala silang kinalaman sa kababalaghan ng kanilang kahera. Gunggong, bobo yata ang empleyadang ito, “tell it to the marines”!
Ayon pa sa nasabing employee hindi rin nila alam kung kaninong pangalan nai-credit ng nasabing kahera ang mga ibinayad ng mga complainants. Nakiusap pa ang nasabing employee na huwag na lamang magharap ng pormal na reklamo ang mga apektadong subscribers.
Halata talagang pinagtatakpan ng nabanggit na empleyada ang kanilang palpak na kahera.
Sa halip na dagliang remedyuhan ang kanilang kapalpakan, binigyan ng mahabang listahan ng requirements ng nasabing employee ang mga naiiritang customer bilang rekisitos daw para maiayos ang kanilang payment at mailagay ito sa tamang account.
Katwiran naman ng mga kustomer, aminado naman ang nabanggit na empleyada na sila nga itong nagkamali, ngunit bakit ang mga kustomer pa ang pahihirapan para maiayos ang kanilang account?
Nabaligtad na yata ang mundo sa mga taga-PLDT, kung sino ang biktima ang siya pang lalong binibiktima.
Duda ng mga nagrereklamong subscriber, mukha raw na ginagago at sadyang pinahihirapan sila ng nabubuwang na customer service employee para di na maghabol sa kanilang nawawalang pera?
Duda din nila na may nangyayaring misteryo at kunyari di sinasadya ang pagkakalagay sa account ng ibang subscriber ang kanilang payment.
Duda rin ang mga naturang subcriber na baka sa account ng kahera inilagay ang payment. Maari ding sa kakutsaba ng kahera na customer service personnel inilipat ang umaabot sa libo-libong payment ng nabanggit na mga customer.
Ipinunto ng mga apektadong subscriber ang pagtanggi ng customer service personnel na pangalanan ang iresponsableng kahera at ang di rin nito pagpapakilala ng kanyang pangalan nang hilingin ng nagrereklamong customer ang kanyang pagkikilanlan.
Napakahilaw din ng mga katwiran ng PLDT customer service employee na di nila maaring ibigay ang pangalan ng napaglipatan ng payment ng mga apektadong kustomer.
Hindi talaga katatanggap-tanggap ang mga alibi ng customer srvice empolyee na halatang-halata ang pagtatakip sa kasalanan ng incompetent at negligible na kahera.
Nagtutumibay tuloy ang hinalang napasok na ng operasyon ng sindikato ang tanggapan ng PLDT, Batangas City Branch.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
PAKIKIRAMAY
NAKIKIDALAMHATI ang SIKRETA sa mga naulila ni Tatay Luis Perez ng Brgy. San Jose Sico, Batangas City. Namayapa si Tatay Luis noong October 29, 2020. Nakaburol ang kanyang labi sa kanilang tahanan sa nabanggit ng barangay.
Naiwan ni Tatay Luis ang kanyang maybahay, mga anak na kinabibilangan nina Edilberto “Idel” Perez at Edna Perez-Pabito at iba pa at mga kamag-anakan. Hindi pa natin nakukumpirma ang takdang araw ng libing ni Tatay Luis.
Para sa kanyang mga naulila, tapos puso po ang ating pakikiramay.