Advertisers
UMAPELA si Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na tiyakin ang availability, accessibility at affordability ng COVID-19 testing kits dahil sa patuloy na paglaki ng demand dito sa harap ng kasalukuyang krisis.
Sinabi ni Go na ang COVID-19 testing ay isa nang requirement ngayon para sa mga kinakailangang bumiyahe, overseas Filipino workers, empleyado at mga nais pumasok sa trabaho.
Dahil dito, ang COVID-19 diagnostic testing ay naging isa nang fundamental commodity at isa sa mga krusyal na kailangan sa recovery efforts na ginagawa sa bansa.
“Dapat po natin tutukan ito at panatilihing abot-kaya ang testing sa bansa upang masiguro ang availability, affordability, at accessibility nito sa lahat ng mga Pilipino,” ang sabi ni Go.
“Palagi rin nating unahin ang kapakanan at buhay ng mga mahihirap at pinakanangangailangan ng tulong. Huwag natin sila pabayaan dahil sila ang kailangang makabalik sa normal na pamumuhay upang maiangat ang kabuhayan nila,” ayon sa senador.
Naaalarma kasi si Sen. Go dahil sa dumaraming iba-ibang presyo ng COVID-19 testing, batay na rin sa report ng Department of Health.
Marami umanong pasilidad sa ngayon na naniningil ng napakamahal para sa pagpoproseso ng specimen at paglalabas ng balidong resulta ng COVID-19 test.
Isang news report ang lumabas na may naniningil ng P20,000 para sa COVID-19 test na ang resulta ay agad mailalabas makalipas ang ilang oras, sa halip na karaniwang 3 araw.
“Sa panahon ng krisis, pantay dapat ang serbisyo lalo na pagdating sa kalusugan. Mahirap man o mayaman, dapat may access sila sa COVID-19 testing,” ani Go na nagsabing mas marami tuloy ang nagpapasuri sa mga pribadong pasilidad dahil sa mas mabilis na resulta.
“Most of those who are highly vulnerable and are exposed to the highest levels of risk come from the poor and marginalized sectors of the society. They need the testing the most,” sabi ng senador.
Para matugunan ito, hiniling ni Go sa gobyerno na idetermina, magbuo at mag-implement ng standard o abot-kayang presyo sa COVID-19 diagnostic testing at test kits.
“This is undoubtedly a necessity. It is not a luxury. The government must step in and ensure the said price range is just, equitable and sensitive to all stakeholders,” ani Go.
Kaya naman hinimok niya ang DOH at Department of Trade and Industry na mag-monitor at irebyu ang halaga ng COVID-19 test kits at ng iba pang basic medical items at supplies.
“Dapat may price control measures para hindi ito pagkakitaan ng iilang mapang-abusong negosyante. Buhay po ang nakataya dito,” ayon sa senador.
“I urge the government and the private sector to prioritize people’s lives over profits. Unahin natin ang serbisyo sa tao,” iginiit niya. (PFT Team)