Advertisers
Nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang walong kahon na naglalaman ng paputok kilala bilang ‘piccolo’ na iligal na ibiniyahe lulan ng isang ten-wheeler van sa Sta. Clara Pier, Barangay Jubasan, Allen, Northern Samar.
Ayon sa PCG, nagkakahalaga ng P81,000 ang nasabat na illegal shipment nang inspeksyon sa isinagawa ng Field Operating Unit – Eastern Visayas, Coast Guard K9 Team – Allen at Municipal Police Station – Allen.
Ayon sa driver at dalawang cargo helper, inutusan lamang sila ng may-ari ng van na i-pick-up ang nasabing kargamento sa Calamba, Laguna at i-deliver sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
Sinabi ng PCG na nilabag ng mga ito ang Republic Act No. 7183 o ang batas para mapangasiwaan ang pagbebenta, paggawa, pamamahagi at paggamit ng paputok sa bansa dahil ang pagbiyahe ng naturang shipment, nangangailangan ng ‘permit to travel’ mula sa Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police.
Pagkatapos ng imbestigasyon, pinayagang makabiyahe pabalik ng Maynila ang tatlong indibidwal gamit ang ten-wheeler van, habang naiwan sa pangangalaga ng Coast Guard Station – Northern Samar ang nasabat na walong kahon ng paputok. (Jocelyn Domenden)