Advertisers
By ARCHIE LIAO
NAGTUNGO sa Comelec ang mga kilalang personalidad tulad nina Agot Isidro, Pia Magalona kasama sina Enchong Dee at Iza Calzado para hilingin na resolbahin ang poll protest ng dating senador Bongbong Marcos kay VP Leni Robredo.
Matatandaang iginiit ng kampo ni Bongbong noon ang recount para sa mga balota dahil naniniwala silang ang anak ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang nagwagi bilang Bise Presidente ni Digong.
Ayon sa mga artistang sumusuporta kay VP Leni, bigong mapatunayan ng kampo ni Bongbong ang kanilang kalamangan sa asawa ni Jesse Robredo.
Sa argumento nila, hindi napatunayan na nanalo si Bongbong sa tatlong pilot provinces ng CamSur, Iloilo at Negros Oriental na isinailalim sa manual recount.
Naging kontrobersyal kamakailan si Bongbong Marcos nang ipakilala siya sa isang pagtitipon ni Jeff Ortega bilang bise presidente ng bansa na inalmahan ng netizens.
Si Jeff ay opisyal ng Department of Tourism at nobyo ni Jasmine Curtis-Smith.
***
PPP4 mas pinahaba
Magandang balita para sa mga tagapagtangkilik ng pelikulang Pilipino.
Sa halip na 16 araw, mapapanood na ang ika-4 na edisyon ng Pista ng Pelikulang Pilipino sa loob ng 44 na araw.
Tatakbo ito mula Oktubre 31 hanggang Disyembre 13.
Kaabang-abang ang lineup ng mga pelikula dahil mabubusog ang lahat ng cineastes dahil 170 pelikula ang tampok sa pinakaaabangang movie event ng taon.
Bukod diyan, magkakaroon din ng talkback sessions, panel sessions at masterclasses mula sa filmmakers at mga pinagpipitaganang haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Ang online PPP ngayong taon ay magkakaroon ng mixed format sa FDCP Channel platform (fdcpchannel.ph).
Ang libreng video-on-demand (VOD) streaming ay para sa 80 na short films at para sa isang full-length feature: ang restored version ng “Anak Dalita” ni National Artist for Theater and Film Lamberto V. Avellana. Ang libreng VOD streaming ay available mula Oktubre 31 hanggang Disyembre 13.
Samantala, ang iba pang full-length features ay magkakaroon ng scheduled livestream screenings sa apat na virtual cinemas (na pinagalanan sa Cinematheque Centres ng FDCP). Hindi lalagpas sa anim na screenings sa bawat pelikula ang napagkasunduan ng producers at FDCP para ma-minimize ang exposure sa piracy.
Ang paid scheduled screenings ay mula Nobyembre 20 hanggang Disyembre 13.
Bukod sa full-length features, magkakaroon din ng showcase ng mga de-kalibreng shorts sa PPP Short Film division mula sa CineMarya Women’s Film Festival, Sine Kabataan Short Film Competition at 21 iba pang regional film festivals.