Advertisers

Advertisers

DPWH Sec. Villar ‘di lusot sa imbestigasyon ng DOJ

0 257

Advertisers

TINIYAK ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na posibleng humarap sa kaso ang kaniyang asawa na si Department Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar sa oras na mapatunayang sangkot ito sa katiwalian sa loob ng ahensya.
Nakasaad umano sa memorandum ni Pangulong Rodrigo Duterte na lahat ng government officials at employees ay isasama sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ).
Ipinagtanggol din ni Aglipay-Villar ang naging pahayag ng pangulo na imposibleng dawit si Sec. Villar sa anomang korapsyon sa DPWH dahil galing ito sa mayamang pamilya.
Wala aniya siyang nakikitang mali sa binitawang pahayag ng presidente dahil ibig sabihin lamang daw nito buo ang tiwala at kumpyansa nito sa kaniyang asawa.
Dahil kasi sa sinabi ng pangulo ay hindi naiwasan ni Sen. Panfilo Lacson na isiping ipinagtatanggol nito ang anak nina Manny Villar at Sen. Cynthia Villar.
Ganito rin ang pananaw ng nasabing mambabatas matapos ipagtanggol ng pangulo si Health Secretary Francisco Duque III na kasalukuyang humaharap sa kabi-kabilang alegasyon kaugnay ng anomalya sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Nilinaw din ng justice undersecretary na hindi siya makikialam sa gagawing imbestigasyon sa DPWH.
Una nang tinukoy ni Justice Secretary Menardo Guevarra na uunahing imbestigahan ng kaniyang task force ang naturang ahensya.
Bukod sa DPWH ay sisilipin din ng task force ang PhilHeath, Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Land Registration Authority. (Josephine Patricio)