Advertisers
PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na lumikha ng isang ahensiya o departamento na magpopokus sa mga problema at pangangailangan ng overseas Filipinos.
Sa kanyang Talk to the People na inere kagabi, October 27, inaasahan ng Pangulo na mabilis na mabubuo ang Department of Overseas Filipinos na tutugon sa mga suliranin ng overseas Filipino workers.
“There will be a more thorough review of policies for your protection,” ang sabi ni Duterte sa kanyang address.
Idinagdag ng Pangulo na ikinokonsidera rin niya ang paglikha ng isa pang ahensiya para sa seafarers.
Ayon kay Sen. Go, ang hakbang ng Pangulo ay tugon upang ang lahat ng concerns ng overseas Filipinos ay mailagay sa iisang departamento at hindi mapagpasa-pasahan.
“Nagpapasalamat po tayo sa panibagong panawagan ng Pangulo para sa pagtatag ng Department of Overseas Filipinos,” ani Go.
“Mas maisasaayos ang mga programa at serbisyo ng gobyerno para matulungan ang mga apektadong Pilipino kung mayroong sariling departamento na mamamahala sa mga pangangailangan ng OFWs,” dagdag niya.
Si Sen. Go ang unang nagpanukala sa Pangulo na kinakailangang lumikha ng DOOF dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic at upang mas maging epektibo ang pagtugon ng gobyerno sa pagseserbisyo sa OFWs.
“Ngayon na napilitan silang umuwi dahil sa krisis, dapat lang bigyan ng sapat na atensyon ang kanilang mga pangangailangan para matulungan ang ating mga bagong bayani na makabangon muli,” ani Go.
Inihain ni Go noong July 2019, ang Senate Bill No. 202 ay layong lumikha ng DOOF para maisaayos ang paghahatid ng serbisyo sa mga kababayan natin na nasa ibayong dagat at mapabilis din ang mga kaugnay na pamamahagi ng tulong na kalat-kalat sa iba’t ibang ahensiya.
Kapag naitatag, ang DOOF ang magproprotekta sa karapatan at kapakanan ng overseas Filipinos; lilikha, magpaplano, magko-coordinate, mamahala at mag-iimplementa ng mga polisiya, programa para sa Filipino workers at iba pa.
“Importante klaro po ang mandato nito at ‘di mag-overlap sa ibang ahensya, tulad ng DOLE at DFA,” sabi ni Go.
Matatandaang dalawang beses nanawagan sa Kongreso si Pangulong Duterte sa kanyang 2019 at 2020 State of the Nation Addresses na maipasa ang nasabing batas dahil kinikilala niya ang kontribusyon ng overseas Filipinos sa ekonomiya ng bansa.
“Bigyan natin ng importansya na magkaroon ng opisina para sa kanila, para may magtitimon sa kanila, magga-guide sa mga OFWs. Bigyan natin sila ng importansya. Tawag natin sa kanila bagong bayani. Totohanin natin,” sabi ni Go. (PFT Team)