Advertisers
ITINUTULAK ni House Committee on Ways and Means committee chairman Joey Sarte Salceda na buwisan ang online betting sa sabong at iba pang mga laro.
Ayon kay Salceda, makakatulong ang inihain niyang House Bill No. 7919, na magpapataw ng buwis sa “Offsite Betting Activities on Locally Licensed Games”, upang makalikom ng mas marami pondo ang pamahalaan, na gagamitin naman sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Bagama’t legal ang sabong, sinabi ni Salceda na mayroon pa ring gray area pagdating naman sa electronic aspect nito.
Dahil sa malabo ang aspetong ito, hindi aniya nakakasingil ng buwis ang pamahalaan sa mga aktibidad na ito, o hindi kaya ay masilip ang kanilang operasyon.
Sa ilalim ng kanyang inihaing panukala, 5 porsiyento ang buwis na sisingilin mula sa gross revenues ng Offsite Betting Activities on Locally Licensed Games.
Binibigyan kapangyarihan ang Bureau of Internal Revenue para mag-accredit at inspect ng totalizators at iba pang mga gambling devices na gagamitin sa collection, consolidation, at recording ng taya sa ginagawa sa online betting.
Sa oras na maging ganap na batas, oobligahin din ang mga gaming operators na maging transparent sa BIR at iba pang regulatory government agencies at instrumentalities.