Advertisers
DAHIL sa lawak at tindi ng korapsyon sa gobyerno, inutusan ni Rodrigo Duterte ang task force na gumawa ng karampatang hakbang upang sugpuin ang kanser na sumisira sa matinong pamamahala. Matindi ang ibinigay niyang utos kay Menardo Guevara, kalihim ng DOJ at hepe ng task force kontra korapsyon. Sakop ng utos ang buong pamahalaan bagaman naunang inutusan ni Duterte ang task force na siyasatin ang Philhealth.
Sa kanyang lingguhang pagharap sa madla sa TV noong Lunes, nagpahayag si Duterte ng paniniwala na masusugpo ang katiwalian sa gobyerno bagaman mababawasan lamang at hindi ganap na mababaka. Binanggit niyang halimbawa ang nangyari sa Philhealth kung saan nagbitiw ang mga opisyales na inakusahan ng korapsyon. Kahit nagbitiw sila, hindi sila ligtas sa pag-uusig, aniya.
Hindi malaman ni Guevarra kung ano ang sasabihin sa gitna ng utos ni Duterte. Inamin niya na ito ang pinakamatinding pagsubok sa kanyang kakayahan (kung mayroon man) na kanyang naranasan bilang isang lingkod bayan. Inamin ni Guevarra na kailangan niya ang tulong ng buong makinarya ng gobyerno upang masampahan ng habla ang mga tiwali.
Hindi kinakitaan ng sigla ang sambayanan sa bagong pakulo ni Duterte. Sa aming pakiwari, walang kamandag o kilabot sa bayan ang pahayag ni Duterte. Alam ng marami na hanggang daldal lamang siya. Hanggang banta at paninindak ang kaya niyang gawin. Mukhang hindi natitinag ang mga tiwali kahit binigyan diin ni Duterte na unahin ang DPWH sa mga sisiyasatin.
Makikita kay Guevarra ang matinding pagduda sa sariling kakayahan. Hindi siya sigurado kung totoong may matinding pagnanasang pulitikal (political will) ang kanyang amo o dala ito ng bugso ng kanyang damdamin. Hindi niya alam kung may masusing pag-aaral sa utos. Hindi malinaw kung ano ang buong plano at target. Basta sinabi ng hari, hindi mababali.
Hindi maaalis ang pagduda na salita lamang ito ni Duterte. Pautot para magmukhang mabango siya sa nagdarahop na sambayanan. Bakit nga hindi? Kahapon laman ng pahayagan ang pahayag ng Malakanyang na iniiwan nito ang imbestigasyon sa kontrobersiya sa 2019 SEA Games sa Kongreso. Hindi makikialam ang Malakanyang sa pagsisiyasat sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Basta sinabi ni Harry Roque, tagapagsalita ni Duterte, na bahala ang Kongreso sa pagsisiyasat. Walang malinaw na tagubilin. Dalawang mambabatas ang sangkot umano sa pinaniniwalaang malawakang katiwalian sa SEA Games: ang sinibak na ispiker Kin. Alan Peter Cayetano ng Taguig City at Kin. Abraham “Bambol” Tolentino ng Cavite.
Lampas P15 bilyon ang salapi ng bayan na ginastos sa SEAG: P11 bilyon sa New Clark Stadium sa Capas, Tarlac na pinagdausan ng ilang palaro tulad ng track and field; P1.4 bilyon na nanggaling sa Philippine Sports Commission (PSC); at P4.5 bilyon na itinabi at ipinamahagi ng DBM. Si Cayetano ang isa sa mga nagtatag ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), ang pribadong organisasyon na namahala at nagpatakbo ng SEAG.
Si Bambol Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC), ang sumasalag sa pagpupumilit ng mga sports leader na obligahin si Cayetano at kasamahan sa Phisgoc na isumite ang audited financial report tungkol sa gastos sa 2019 SEAG. Magkapanalig sa pulitika si Cayetano at Bambol Tolentino kaya hindi maaalis ang paniwala na magkasapakat sila sa pinaniniwalaang katiwalian sa SEAG.
Naunang tumayo si Cayetano sa Kamara de Representante upang hamunin ang Kongreso na gumawa ng imbestigasyon kahit na nagmatigas siya na hindi niya ginalaw ang pera ng 2019 SEAG. Ngayon, walang maituturing na seryosong pagsisiyasat sa kalokohan sa pondo ng SEAG. Close-open ang imbestigasyon. Minsan mayroon, madalas ay wala. Walang rin direksyon.
Hindi maaaring seryosohin si Duterte sa kanyang panawagan na malawakang imbestigasyon sa katiwalian sa gobyerno. Sino ang may matwid na maniniwala sa kanya kung pinakawalan ang ilang malalaking tiwali tulad ni JPE, Bong Revilla, at Jinggoy Estrada? Marami kaming narinig na pasaring na palabas lamang ang sinabi ni Duterte noong Lunes ng gabi.
May pasaring si Abel Sta. Isabel, netizen na nakabase sa Estados Unidos, na paano paniniwalaan si Duterte kung siya mismo hindi mailabas ang kanyang SALN. Magpakita muna siya ng magandang halimbawa upang paniwalaan. Linawin muna niya sa sambayanan ang kanyang buong yaman.
***
MINSAN pa’y pinatunayan ng Commission on Audit na hindi kailanman puwedeng gawing dahilan para sa sinumang wala na sa pwesto na makalusot sa bulilyasong dulot ng palpak na proyekto sa ilalim ng kanilang nakalipas na panunungkulan.
Sa tatlong magkakahiwalay na direktiba, pinababayaran ng COA ang humigit kumulang P11 milyon sa isang dating alkalde ng Taytay, Rizal kaugnay ng mga sablay na proyektong imprastraktura. Sa kautusan bilang 10-159, 10-160 and 10-161 na ibinaba noong ika-7 ng Oktubre, 2020, partikular na inatasan nina COA Senior State Auditors Marietta F. Paltao at Olivia I. Bautista si dating Taytay Mayor Janet de Leon at siyam na iba pa na bayaran sa lalong madaling panahon ang P11 milyong ibinayad sa dalawang kontratista kaugnay ng mga palpak na proyekto.
Ayon sa COA, hindi pumasa sa itinakdang Quality and Safety Standards ng pamahalaan ang mga nasabing proyekto, batay na din sa rekomendasyon ng kanilang Infrastructure Integrity Unit na siyang nagsagawa ng inspeksiyon at pagsusuri. Bukod kay de Leon, kabilang din sa mga pinangalanang responsible sa nasabing proyekto sina Taytay Engineering Officer-in-Charge Aries Borja, Engineering Staff Joel V. De Leon, Zoning Officer Arnel D. Garcia, Bids and Awards Committee chair Atty. Aderis M. Dela Cruz, BAC members Engr. Edwin Dela Paz, Kathleen DL Ignacio at Illuminada Velasco.
Dawit din sa pinagbabayad ng nasabing ahensiya ang dalawang kontratistang nagsagawa ng mga naturang pagawaing bayan. Ito ay ang Marrox Trading and Construction at FLS Construction and Builders. Ayon sa COA, binalewala ng mga nasabing respondents ang kanilang inilabas na Notices of Disallowance at itinuloy pa din ang paglalabas ng pondo na siyang ipinambayad sa mga nasabing kontratista. Bukod pa sa hindi makatwirang pagbabayad ng nasabing LGU sa mga kontratista, lumabas pang “over-paid” din ang mga ito.
“Accordingly, the above-named persons liable shall pay the above amount immediately to the agency [COA] cashier. Failure to pay the same shall authorize the agency cashier to withhold the payment of salary and other money due the persons liable in accordance with COA Order of Execution to be issued to the agency cashier,” saad ng COA sa kanilang inilabas na final and executory order. Inatasan din ang COA ang nakaupong municipal accountant na si Carina Arabit na siyang humagilap at magpabatid at magbigay ng kopya ng nasabing direktiba sa mga accountable respondents.
***
TUNGKOL sa utos na imbestigasyon, ito ang sabi ng mga netizen: “Nakasanayan na ng taongbayan na walang silbi ang kanyang mga sinasabi.” – Rodolfo Hilado Divinagracia
“Joke lang nman iyong utos nyang imbestigasyon.” – Emerita Feliciano
“Hypocrite in the highest order… Sa kanya nagmumula ang katiwalian.” – Jojo Jace Aquino
“Matagal ng kabisado ang script.” – Elsa Tolentino
“Walang dating … Walang parating … Walang hahantungan … Walang patutungohan…” – Wency Gaddi Lobo