Advertisers
MATAPOS kanselahin ang ‘Traslacion’ na gaganapin sana sa Enero 2021, nagdesisyon ang pamunuan ng Quiapo Church na palitan narin ang nakagawiang ‘pahalik’ sa Poong Nazareno bilang pag-iingat sa pandemya.
Sinabi ni Monsignor Hernando Coronel, imbes ang tradisyunal na pahalik, “patanaw” ang gagawin kungsaan ilalabas ang imahen ng Nazareno sa balkonahe ng Quiapo Church.
Sisimulan ito sa Disyembre upang matanaw ng mga deboto ang imahen.
“Hindi po ito pahalik. Ang pahalik napupunasan at saka nahahawakan pero ‘yung pagpupugay o ‘yung patanaw ay gagawin natin,” ani Coronel.
Ayon kay Coronel, magkakaroon din ng online misa ang simbahan na pangangasiwaan ni Bishop Broderick Pabillo.
Nakiusap ang obispo sa mga mananampalataya na unawain ang sitwasyon dahil sa kinakaharap na pandemya..
Ito ang kauna-unahang pagkakataong kinansela ang Traslacion sa loob ng 234 taon.
Sa anunsiyo ng Manila Public Information Office, nagkasundo ang lokal na pamahalaan at ang simbahan na kanselahin ang Traslacion na gaganapin sana sa Enero 9 dahil sa patuloy na banta ng COVID-19. Dinudumog ang prusisyon ng milyon-milyong deboto taon-taon.(Jocelyn Domenden)