Advertisers
INAASAHANG isumite ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong linggo ang initial report hinggil sa sinasabing korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pahayag ni PACC Commissioner Greco Belgica, kabilang sa report na ito ang umano’y pagkakasangkot ng mga kongresista sa mga maanomaliyang aktibidad.
Ayon kay Belgica na nakatuon naman talaga sa DPWH ang kanilang imbestigasyon pero hindi aniya sila maaring magbulag-bulagan naman sa mga natuklasan nila kabilang na ang pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa implementation ng mga proyekto sa kani-kanilang mga distrito.
Ipinunto ni Belgica na base sa mga naging desisyon ng Korte Suprema, at maging sa Saligang Batas, ang mga mambabatas ay nariyan para lamang bumuo ng ng batas at aprubahan ang budget pero hindi dapat makisawsaw sa implementation ng budget.
Subalit nilinaw ng opisyal na mayroon namang oversight powers ang mga mambabatas na ito, pero hanggang doon lamang at hindi na maaring lumagpas pa.
Nauna nang hinimok si Belgica na pangalanan ang mga mambabatas na sinasabing sangkot sa corruption activities sa DPWH.
Pero tumanggi si Belgica na sundin ito sa pagsasabi na ang pagpapangalan sa mga involved sa naturang issue ay maaring makapag-kompromiso sa imbestigasyon ng anti-corruption body.