Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
IPINAHAYAG ni Franco Miguel na naghahanda na siya sa pagsisimula ng shooting ng pelikulang Balangiga 1901 na mula sa JF Film Production ni Ms. Jarrimine Fortuna.
Ito ay pamamahalaan ni Direk Danny Marquez. Tampok dito sina Ejay Falcon, Jason Abalos, Richard Quan, Mark Neumann, Lala Vinzon, Emilio Garcia, Jao Mapa, Ricardo Cepeda, Marina Benipayo, Chuckie Dreyfuss, Ramon Christopher, Jeffrey Santos, Rob Sy, Jervy delos Reyes, Nicole Dulalia, at iba pa.
Pahayag ni Franco, “For sure, magsisimula na akong mag-exercise at mag-work-out. Malaking tulong din iyong nakatapos ako ng taekwando para sa magiging hand to hand combat namin ng mga Amerikano sa movie.”
Ang Battle of Balangiga ay isang historic event at itinuturing na one of the bloodiest encounters noong panahon ng Philippine-American war na naganap noong 1899-1902. Dito kinuha ng mga Amerikano ang tanyag na Balangiga Bells na noon pang 1958 hinihiling na maibalik sa bansa.
Nito lang 2018 naganap ang makasaysayang pagbabalik ng Balangiga Bells sa Pilipinas.
Si Franco ay nagsimula sa showbiz noong 1998. Napanood siya sa mga pelikulang sexy tulad ng Nena Inosente at ang kanyang launching movie ay Mapupulang Rosas with Allona Amor.
“Nang bawal ipalabas sa SM cinemas ang sexy movies, so nagpahinga ako. Then after niyon, kinuha ako ni Direk Kaka Balagtas sa pelikulang Apoy Sa Dibdib Ng Samar. Doon na ako nagsimula sa action, then Anak ng Kumander, then ito yung latest ko nitong December lang, itong Parola nina Direk Jun Posadas at Direk Danny Marquez.
“That’s the last movie na ginawa ko noong December. Napakaganda rin, kalikasan naman ang tema nito,” kuwento ni Franco.
Ano ang role niya sa Balangiga 1901?
“Isa akong ano, parang kapitan. Ang name ko roon, Ozef Baldoza. Ako yung gigil na gigil sa mga Amerikano. Kasi, bale iba-iba po kaming mga lider na nagkakaroon ng kanya-kanyang adhikain laban sa mga Amerikano,” aniya.
Pahayag pa ni Franco, “Bale isa ako sa mga tauhan ni Ejay, ako yung kinuha niya sa taas ng bundok na hindi alam ng mga Amerikano, trained ako. Kakampi ko si Ejay Falcon dito at ako yung tauhan niyang hindi ko na kayang magtimpi. Masyado na kaming inaapi ng mga Amerikano. So, sa hindi ko pagtimpi, ako yung talagang… ako yung nakapatay sa mga Amerikano. Sa sobrang gigil, eh.”
Nabanggit din ni Franco na ito ang pinaka-challenging na role niya, so far.
“Ito ‘yung pinaka-challenging role na talagang masasabi kong dapat kong paghandaan, dahil unang-una, historical ito, ‘di ba? Pangalawa, yung character na ibinigay sa akin, para ipagkatiwala sa akin iyon ng direktor, ay mas lamang yung emosyon,” saad ni Franco.
Sa ngayon kahit balik-showbiz, mas focus si Franco sa kanyang construction business at palaisdaan.