Advertisers

Advertisers

Duque, Morales pinakakasuhan ng House committee sa korapsyon

0 264

Advertisers

APRUBADO ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability ang committee report sa ginawang imbestigasyon patungkol sa sinasabing katiwalian sa loob ng PhilHealth.
Base sa 65-pahinang report, nakitaan ng joint committee ng sapat na basehan para irekomendang kasuhan sina Health Sec. Francisco Duque III at dating Philippine Health Insurance Corporation president and CEO Ricardo Morales.
May kaugnayan ito sa anila’y “illegal” fund release ng ngayon ay suspendido nang Interim Reimbursement Mechanism (IRM), o cash advance system para tulungan ang mga medical facilities sa tuwing mayroong “fortuitous events” kagaya na lamang ng COVID-19 pandemic.
Bukod kina Duque at Morales, pinakakasuhan din sina Arnel de Jesus, executive vice president at chief operating officer; Israel Pargas, senior vice president ng health finance policy sector; Rodolfo del Rosario, senior vice president ng legal sector; at Rogelio Pocallan Jr, senior manager ng Internal Legal Department, dahil sa paglabag Section 3 ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Article 220 ng Revised Penal Code na tungkol naman sa illegal use ng public funds:
Nakasaad din sa rekomendasyon ng mga kongresista ang pagsasampa ng kaso sa PhilHealth Board na kinabibilangan nina Labor Sec. Secretary Silvestre Bello III, Social Welfare Secretary Rolando Bautista, Budget Secretary Wendel Avisado, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Maria Graciela Blas Gonzaga, Susan Mercado, Alejandro Cabading, at Marlene Padua.
Binigyan diin ng mga kongresista na nagkakaroon ng “large-scale corruption” sa PhilHealth dahil sa IRM.
Bagama’t hindi kasi aniya malinaw ang legal na basehan para sa IRM, patuloy pa rin ang paglalabas ng PhilHealth ng nasa P15 billion halaga ng pondo sa iba’t ibang healthcare providers sa buong bansa.
Nakita rin ng joint committee na humigit kumulang P102 billion halaga ang overpayments na nangyari sa all case rate system ng PhilHealth, bukod pa ito sa estimated loss sa fraudulent activities na pumapalo sa P51.2 billion.
Dahil dito, inirekomenda rin ng mga kongresista na sampahan ng administrative charges si dating DOH chief at PhilHealth board chairperson Enrique Ona pati na rin ang iba pang board members na nag-apruba sa implementation ng all-case rate system.
Inirekomenda rin nila na sampahan ng DOJ ng karampatang kaso ang mga opisyal at board members ng state health insurer na lumabag sa Universal health Care Law. (Josephine Patricio)