Advertisers

Advertisers

Barangay chairman, kolektor ng lagay!

0 684

Advertisers

GAMIT ang pangalan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Batangas Provincial Office, nangongolekta ng suhol o intelhencia ang isang barangay chairman sa mga ilegalistang nag-ooperate sa lalawigan ng Batangas at iba pang panig ng CALABARZON lalo na sa mga maintainer ng Small Town Lottery (STL) bookies cum jueteng.

Panakot din ng isang alias Kap Biscocho sa mga iligalista ang mga pangalan ng ilang kilalang journalist karamihan ay tulad nating kolumnista sa mga national daily newspaper.

Dapat na matigil na ang aktibidad na ito ni alias Kap. Biscocho sa anumang paraan kaya tinatawagan natin ng pansin ang tanggapan nina PNP Director Gen. Camilo Pancratius Cascolan at PNP Chief for Administration PLtGen. Guillermo T. Eleazar.



Bilang dating hepe ng Batangas CIDG Provincial Office ay hindi papayagan ni LtGen. Eleazar na magamit ng ilegalista ang malinis na pangalan ng CIDG na kanyang pinanggalingan at ngayon ay nirerendahan ni CIDG Director PMaj.Gen. Joel Napoleon M. Coronel.

Hindi kailanman nakakaporma ang katulad ng nasabing barangay chairman sa noon ay dati pa lamang P/Major Eleazar at nanungkulang Batangas Criminal Investigation and Detection Team (CIDT) Provincial Officer.

Bilang provincial correspondent naman ng isang pangunahing daily tabloid ay nakilala natin si Eleazar mahigit sa dalawang dekada na ang nakararaan at napagtanto ang matatag nitong paninindigan.

Sa mga nakaupong CIDG Provincial Officer, si Eleazar ang dapat na maging pamantayan ng mga ito sa paglilingkod sa publiko at sa bayan para maging epektibo at mapamahal sa inyong pinaglilingkuran.

Hindi natin malaman kung bakit largado na ngayon sa pangongolekta ng suhol, lagay, tongpats o intelhensya sa police furlance ang ulol na barangay chairman na ito na matagal na ring notoryus ang pangalan dahil sa dami ng pinaggagawang kabalbalan.



Hindi natin malaman kung paanong nahalal na barangay chairman itong si alias Kap Biscocho gayong dati nang matunog ang pangalan nito bilang operator ng mapamerwisyong devil machines o video karera.

Ngunit nang maging bukang-bibig na ang pangalan nito sa larangan ng iligal ay nagsimula na din itong magpatakbo ng STL bookies o jueteng sa Tanauan City, kaya nagkaroon ng malalim na pakikisalamuha sa ilang tiwaling opisyales ng kapulisan sa lalawigan ng Batangas, Region 4- A Police hanggang sa Camp Crame Police General Headquarters.

Nagamit nito ang milyong halaga ng salapi na kinita mula sa pagpapatakbo ng iligal na pinagkikitaan kasama na ang operasyon sa kalakalan ng droga sa Tanauan City at iba pang mga lalawigan sa CALABARZON sa pagtakbo bilang barangay chairman.

Tulad na nga sa inaasahan, nagwagi si Biscocho at ang pera nito matapos makapamili ng boto nang nakaraang barangay elections gamit ang kinita sa labag sa batas na gawain.

Hindi doon lamang natigil ang mga kabulastugan ni alias Kap Biscocho. Palibhasa ay nadamo na nito ang lahat na uri ng kailigalan sa CALABARZON ay naging madali nitong nakumbinsi ang ilang police scalawag na ipangolekta ng intelhensya sa mga drug lords, jueteng operators, buriki operators at iba pang katulad nitong ilegalista.

Pinakahuling ulat ng ating police insiders ay patuloy itong nangongolekta ng intelhencia at ang ginagsagas nga ay ang pangalan ng CIDG Batangas Provincial Office at ilang miyembro ng media, karamihan ay mga kolumnista sa pang-araw-araw na pahayagan.

Hindi natin malaman kung kanino nanghihiram ng kapal ng mukha at lakas ng loob itong si alias Kap Biscocho para kalakalin maging ang pangalan ng CIDG at ilang mga mamamahayag sa paggawa ng pagkaka-perahan.

Marahil nang magsabog ng kawalanghiyaan si Satanas mula sa itaas ay sinalo nang lahat nitong si alias Kap Biscocho kaya ganito na lamang kaitim ng buto at budhi nito.

Kaya naman ang naging desisyon ng mga working media, kasama na ang inyong lingkod ay ang isumbong itong si alias Kap Biscocho kina PNP top honchos Cascolan at Eleazar.

Baka magamit din ng hinayupak na ito maging ang pangalan ng inyong lingkod sa kanyang kawalanghiyaan, kaya beware kayo dito kay alias Kap Biscocho. Hindi natin ito papayagan!

Kaya pala napaka-talamak ng STL bookies sa CALABARZON ay may isang tulad nitong si alias Kap Biscocho na nagpapalakas ng loob dahil sa pangongolekta ng protection money sa mga katulad niyang ilegalista.

Alam ng SIKRETA na dating magaling na tauhan ng noon ay QCPD director Gen. Eleazar si P/Col. Lito Patay, ang nanunungkulang Region 4-A CIDG Regional director, kaya tawagin din natin ang pansin nito para posasan at ipakulong itong si alias Kap Biscocho.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.