Advertisers
NASAKOTE na ang sinasabing mastermind ng pagtakas sa custodial facility ng Caloocan Police noong Huwebes at anim na lamang ang hinanahanap sa 13 tumakas na bilanggo matapos masakote ang pito sa mga pugante.
Balik hawlang bakal sina Harris Danacao, Reymark delos Reyes, Mark Oliver Gamutia, Aldwin Jhoe Espila, Jovel Toledo Jr., ang nagpositibo sa rapid antibody test na si Reynaldo Bantiling, at ang sinasabing may pakana ng pagpuga na si Arnel Buccat.
Samantala, tugis parin ng mga pulis sina Norbert Alvarez; Raymond Balasa, Hudsong Jeng, Justin Tejeros, Martin Mama, at ang nagpositibo rin sa COVID-19 sa rapid test na si Gerrymar Petilla.
Ayon sa dalawang kapwa presong hindi sumama sa pagpuga, plinano nina Buccat at Balasa, ang “mayor” at “bise mayor” sa piitan, ang pagtakas dahil sa kanilang napipintong paglipat sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology at ibabawal narin ang pagbisita sa kanila.
Kaugnay nito, ang mga nakatokang jail guards nang maganap ang pagtakas na sina Executive M/Sgt. Wilfredo Muyon at Cpl. Melvin dela Cruz Valez ay kakasuhan ng ‘evasion through negligence’ na may karampatang parusa sa Revised Penal Code.(Beth Samson)