Advertisers

Advertisers

Nagalit ang mga komunista at dilawan sa mababaw na pahayag ni Parlade

0 409

Advertisers

KUNG uunawaing mabuti, mababaw ang pahayag ni Lieutenant General Antonio Parlade, Jr. sa aktres na si Liza Soberano dahil hindi naman inakusahan ng una ang huli na komunista.

Binalaan lang naman ng hepe ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Soberano na huwag suportahan nito ang Gabriela.

Sa facebook page ng the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sabi ni Parlade kay Soberano: “She is merely supporting advocacy for women’s rights. She has to be protected in the exercise of her rights. Is she an NPA? No, of course not. Not yet”.



Ang pahayag ni Parlade ay resulta ng paglahok ni Soberano sa webinar ng Gabriela Youth na pinamagatang “Mga Tinig ni Nene: Reclaiming Our Voices on the International Day of the Girl Child”.

Inilabas ng aktres ang kanyang pananaw laban sa karahasan sa kababaihan at kabataan.

Wala namang masama rito.

Dapat pa ngang magsalita ang nakararaming Filipino, kundi man lahat, hinggil sa pananatili ng karahasan, pananamantala, pang-aapi at pambabastos sa mga kababaihan hanggang kasalukuyan.

Karapat-dapat ding batikusin nating lahat ang anumang porma ng karahasan, pananamantala, pang-aapi at panloloko sa kabataan.



Wala namang sinabing masama si Parlade kay Soberano tungkol dito.

Wala rin akong nakitang mali nang banggitin in Parlade na Soberano “has to be protected in the exercise of her rights”.

Payo lang ng heneral sa aktres ang kanyang inihayag upang hindi rin maabuso ang karapatang-pantao ni Soberano.

Hindi rin naman nakapagtataka kung magbabala si Parlade na kapag sumapi si Soberano sa Gabriela ay posibleng maging miyembro ito ng New People’s Army (NPA) na posibleng mamatay sa kalaunan tulad ng sinapit ng isang Josephine Lapira dahil heneral ng AFP si Parlade.

Si Lapira ay ang 22 taong gulang na mag-aaral ng University of the Philippines – Manila na naging aktibista hanggang maging miyembro ng NPA.

Pinaalalahanan ni Parlade si Soberano na si Lapira ay namatay nang makasagupa ng mga sundalo ang pangkat ng NPA na kinabibilangan ni Lapira sa Nasugbu, Batangas noong Nobyembre 2017.

Mahal na mahal ni Parlade ang AFP.

Sagad-saring kontra – komunista si Parlade.

Tanggap na tanggap niyang manatili ang Pilipinas sa ganitong kaayusan kung saan “napakalaya” ng lahat ng mamamayan na gawin ang gusto alinsunod sa kagustuhan at dikta ng mga kapitalista at politiko.

Kaya, huwag ninyong asahang paburan ni Parlade ang mga gagawin ng Gabriela at mga kapanalig nito sa pambansa – demokratikong kilusang pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Nang mabasa ko ang mga binanggit ni Parlade tungkol kay Liza Soberano ay mababaw ang lahat ng ideya niya.

Hindi niyurakan at binatikos ng heneral ang pahayag ni Soberano hinggil sa mga karapatang-pantao ng mga kababaihan at kabataan.

At lalong hindi niyurakan, binatikos at nilait ni Parlade ang pagkatao ni Soberano.

Pero, napakalaking isyu sa Gabriela at mga kapanalig nitong organisasyon ang ginawa ni Parlade.

Tapos, sinakyan pa ng mga politikong sina Senador Francis Pangilinan at Senadora Ana Theresia Hontiveros ang isyu, samantalang wala namang kontrobersiya rito.

Galit na galit na ang mga komunista at dilawan!

Pokaragat na ‘yan!

Noong termino ni dating Pangulong Beningno Simeon Cojuangco Aquino III ay napakatindi rin ng operasyon ng pamahalaan laban sa mamamayang Filipino, kabilang ang mga Lumad sa Mindanao, ngunit hindi naman ito binatikos nang todo nina Pangilinan at Hontiveros.

Galit na galit ang mga komunista noon sa administrasyong Aquino, ngunit hindi bumabanat ang mga katulad ni Pangilinan at Hontiveros.