Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
IPINAHAYAG ng singer/songwriter na si Gari Escobar na nangungunga sa listahan niya at pinakamahalaga sa kanya ang pagiging ispiritwal.
Saad ni Gari, “Ito po ang top sa list ng most important ko kuya, dahil ang sentro ng pagiging spiritual ng isang tao ay ang Diyos na ating sinasamba, ‘di po ba? At dahil Siya ang lumikha sa atin, dapat lang po na tumanaw tayo ng utang na loob sa Kanya.
Dagdag na esplika pa niya, “Kaya ang Diyos po ang aking priority sa buhay ko. Una ang Diyos, pangalawa ang pamilya, pangatlo ang kalusugan, pang-apat ang hanapbuhay o negosyo.
“Naniniwala po ako na kapag inuna mo ang Diyos sa buhay mo, lahat ng mga kailangan mo ay Siya na ang bahala.”
Sinabi rin niya kung gaano kahalaga sa kanya ang pagiging INC member.
“Ang pagiging INC ko naman po ang buong kahulugan ng buhay ko kuya. At sa paniwala ko po, ang mawala ito sa buhay ay katumbas ng kamatayan,” sambit pa niya.
Napag-usapan namin ang pagiging INC member niya nang usisain namin si Gari kung ngayong panahon ng pandemic ay nakapag-compose ba siya ng kanta ukol sa Christmas?
Paliwanag niya sa amin, “Hindi po ako gagawa ng Christmas song kuya Nonie, kasi po INC po ako. Ayaw ko pong matiwalag.”
Aniya pa, “Regarding Christmas songs po, with due respect sa mga nagse-celebrate ng Christmas, nagkataon lang po na iba na ang faith ko, pero may mga favorite po akong Christmas songs dahil lumaki po akong Katoliko. Pero wala po akong plano na gumawa ng Christmas album tulad ng ginawa noon ni Idol Rico J. Puno.”
Dito’y nasabi rin ni Gari ang pananaw sa mga celebrity na natiwalag sa INC. “Hindi ko po hahayaan na mangyari sa akin ‘yun. At given the chance na makasama ko sila o makatrabaho sina Kathryn (Bernardo), Yasmien (Kurdi), at pati na rin po si Charice (Pempengco na kilala na ngayon bilang Jake Zyrus), aakayin ko po sila pabalik sa INC.”
Ipinaliwanag ni Gari kung bakit niya gustong akayin pabalik ng INC sina Kathryn, Charice, at Yasmien.
“Sa aral kasi ng INC kuya, ang maililigtas po sa araw ng paghuhukom ay ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo. Ibig sabihin ay balewala po ang tagumpay kung sa dulo po ay kapahamakan ng kaluluwa,” saad ni Gari.
Anyway, masaya si Gari dahil naging matagumpay ang kanyang unang digital concert na pinamagatang Gari Escobar Live! My Life! My Music! na ginanap last October 18.
“Ang ganda po ng feedback ng mga nanood kuya, kapag binasa mo isa-isa, nakakatuwa,” wika niya
Dagdag pa Gari, “Dati kapag nagso-show ako ay nerbiyos po ang nararamdaman ko. Pero this time ay nawala na po yun, masaya po ako sa buong oras ng concert kong ito. Pasasalamat po ang naramdaman ko, pasasalamat sa Diyos at sa mga tumulong po sa akin sa first digital concert ko po na ito.”