Advertisers
PINASALAMATAN ni Manila Mayor Isko Moreno kahapon ang lahat ng mga nakiramay sa pagyao ng kanyang ina nitong weekend.
Ang kanyang ina na si Rosario ay sumakabilang buhay sa edad na 74, isang araw matapos na magdiwang ng ika-46 taong kaarawan ang alkalde at ang kanyang anak na si Joaquin na nagdiwang naman ng ika-19 taong kaarawan. Ang ina ni Moreno ay matagal ng may iniindang karamdaman kung saan laging nasa tabi ang alkalde upang dumamay.
“Taos-pusong pasasalamat sa inyong lahat,” ito ang maiksing mensahe ni Moreno sa lahat ng mga nagpahayag ng kanilang pakikiramay sa panahon ng kaniyang pagdadalamhati.
Ayon pa kay Moreno, sa lahat ng mga nakikisimpatya, sa halip na magpadala ng bulaklak ay hinihiling nya na mag-alay na lamang ng panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ng kanyang ina.
Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony na kanya ring pinangunahan pati na ang department heads meeting, ay siniguro ni Moreno sa mamamayan ng Maynila na sa kabila ng mga pagsubok na kanyang kinakaharap sa ngayon ay patuloy ang kanyang pamamalakad sa lungsod.
Ayon pa sa alkalde, sa kabila ng sakit na kanyang nararamdaman at pagluluksa sa pagpanaw ng kanyang ina, mayroon pa rin siyang tungkulin na dapat gampanan na ipagpatuloy ang pamamalakad ng pamahalaang lungsod lalo na sa panahon ngayon na may kinakaharap na malakas na bagyo.
Dahil dito ay nagbigay na ng serye ng mga kautusan si Moreno sa lahat ng mga hepe ng iba’t ibang departamento upang tugunan ang magiging suliranin sa pagbaha at sa mga pamilyang maapektuhan nito. (Andi Garcia)