Advertisers

Advertisers

DepEd modules torture sa mga estudyanteng Pinoy!

0 440

Advertisers

Tila di angkop sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa ang napakahirap na learning modules na ipinamamahagi ng Department of Education (DepEd) ngayong school year 2020-2021 sa ilalim ng platform na online learning.

Dito sa Metro Manila, maraming estudyante at mga magulang ang nagrereklamo di lamang sa malaking gastos na kanilang tinitiis na balikatin kundi sa kalagayan ng mabagal na internet connections na kanilang araw-araw na kinukunsumo.

Karagdagan stress ito sa pinagdadaanang kalbaryo ng ating mga kaawa-awang kababayan dahil na rin sa pandemic.



Problema na nga sa kanilang kalusugan at kabuhayan ang nakaharap sa kanila sa araw-araw, idinagdag pa nitong si Secretary Leonor Briones ng DepEd ang karagdagang sakit ng ulo sa “modules”.

Ilang ulat na rin patungkol sa mga kabataang estudyante ang nagpatiwakal o nag-suicide dahil sa di makayanang hirap sa pagsagot sa mga learning modules ng DepEd.

Ang masakit, pati mga magulang ay tila inoobliga na ng tanggapan ni Briones na tulungan ang kanilang mga anak.

Nakita na po natin ang mga kinukuwestiyong modules na ito at para sa atin ay hirap din nating maintindihan at masagutan.

May pisikal na depekto rin po ang mga modules na ito gaya ng typo errors at maling grammars na napuna na rin ng ilang sektor.



Bukod pa dito ang maliliit na letra at malabong illustrations at mga larawan kung saan doon kukunin ng mga mag-aaral ang mga sagot sa mga katanungan.

Pati mapa o globo ay malabo ang pagkaka-drawing!

Batid natin na di dumaan sa opisina mismo ni Sec. Briones ang mga modules na ito for quality control purposes.

Pawang sa lebel lamang ng isang region, distrito, siyudad o bayan ito naihanda at ginawa ng mga gurong dumaan din sa malaking kalbaryo.

Ang tanong nga natin, bakit ang mga simpleng mga guro ang binigyan ng napakalaking responsibilidad at trabaho na gawin ang mga modules na ito at hindi ang sangkaterbang opisyal at kawani ng Dep Ed sa main office nito at sa mga regional offices ng kagawaran?

Napakaraming opisyal at empleyado ng DepEd d’yan sa main office ang pakuya-kuyakoy lang at naghihintay lang ng lunch break at uwian.

Kung d’yan sana sa central offices ng DepEd ginawa ang mga modules na ito, di sana nailagay sa ayos ang pagsasagawa nito at na-monitor ng husto ang kalidad ng mga modules na ginawa.

Ang siste pa, kaya ginawa ngang online learning ay para maiwasan ang posibilidad na magkahawahan ng sakit na Covid-19 di po ba?

Pero kung ganitong halos linggu-linggo ang schedule sa pagkuha ng mga modules na ito ng mga magulang ng bata sa paaralan, eh di na nasusunod ang layon na makaiwas sa pesteng Covid-19.

Wala rin nakakasiguro na ang mga modules na ito ay ligtas (dumaan sa proper sanitation) sa iniiwasang “droplets” ng salot na Covid-19.

Marapat lamang marahil na i-recall at isailalim sa review ang kalidad ng mga modules na ito at pag-isipan ng gobyerno kung bakit tila di nasunod ang orihinal na plano patungkol sa no face to face learning.

Di ba noong una, ang modules ay para lamang sa mga estudyanteng hindi maka-avail sa online learning.

Bakit ngayon, kahit dito sa Metro Manila na naka-online na nga at gumagastos ang mga estudyante at magulang sa load ng internet, kinakailangan pang gumamit ng modules?

Wala ata ito sa inisyal na plano ng DepEd na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng IATF.

Na-overlooked ata ni Sec. Briones ang mental state ng mga estudyanteng may ilang panahon din na-confined sa kanilang mga tahanan at dumanas ng iba’t ibang klase ng stress at buryong.

Tapos, ura-urada ay isasabak agad natin sa ganitong sistema na di naman nila (students) nakasanayan!

May kasunod…

Abangan!

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON,MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com