Advertisers
Advertisers
Advertisers
NILINAW kahapon ng isang retiradong obispo ng Simbahang Katolika na hindi iniendorso ni Pope Francis ang same sex marriage.
Ito ang paglilinaw ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa naging kontrobersyal na mga pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa isang panayam kamakailan.
Ayon sa Obispo, hindi isinusulong ng Santo Papa ang same sex marriage.
Sa halip aniya ay nananawagan ito ng isang law of civil union na magbibigay proteksyon sa dignidad bilang tao ng mga homosexuals at makatitiyak sa kanilang mapayapang pamumuhay sa lipunan.
“It is not an endorsement of same sex marriage what he [Pope Francis] asks to be created is a law of civil union which will protect the dignity of even homosexuals, that’s the shortest summary what he is asking for is a law of civil union which will protect the dignity of homosexual also and allow them to live in society in peace.” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa church-run Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang tanging nais na mangyari ng Santo Papa ay patuloy na mahalin at bigyang ng proteksyon ang mga homosexual na pawang mga anak rin ng Panginoon.
Ibinahagi ni Bishop Bacani na tulad ng mga nagkakamali ay hindi dapat na itaboy o saktan ang sinuman sa halip ay dapat na bigyang halaga ang mga karapatan at dignidad.
Iginiit pa ng Obispo na ang naturang pahayag ng Santo Papa ay hindi dapat na ituring na opisyal na turo ng Simbahan Katolika.
Inihalimbawa niya na nasasaad sa post-synodal apostolic exhortation ni Pope Francis na Amoris Laetitia o The Joy of Love na inilathala noong Marso taong 2016, ang malinaw na pagkakaiba ng same sex union at ng same sex marriage.
Nilinaw din ng Obispo na ang pagsusulong ng Santo Papa ng law of civil union bilang pagbibigay proteksyon sa kapakanan ng mga homosexual ay hindi nangangahulugan ng pagsuporta o pagsang-ayun ng Santo Papa Francisco sa pagkakaroon ng homosexual relationship.
Naunang nanindigan ang mga opisyal ng Simbahang Katolika na “taken out of context” lamang ang mga pahayag ni Pope Francis. (Andi Garcia/Jonah Mallari)