Advertisers

Advertisers

TRASLACION 2021, KANSELADO NA – ISKO

0 321

Advertisers

FOR the first time, hindi matutuloy ang pinakaaabangang grand procession ng imahe ng Poong Nazareno sa Enero 9, 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito’y matapos na magkasundo ang Manila City government at ang Quiapo Church na kanselahin na ang prusisyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Matatandaang milyun-milyong deboto ang lumalahok sa Traslacion ng Nazareno taun-taon kaya’t hindi maiwasan ang pagsisiksikan ng mga ito, na maaaring mauwi sa hawahan ng virus.



Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang public health protocols ang dapat na manaig sa religious traditions, lalo na ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic sa lungsod.

Muli ring nanawagan ang alkalde na iwasan muna ang pagdaraos ng mga parada at prusisyon ngayon.

“Nakikisuyo po ako, iwasan po muna natin ang mga parada at prusisyon ngayong may pandemya dulot ng sakit na COVID-19. Maaari pong mapahamak ang ating mga deboto, mailagay sila sa alanganin,” ani Moreno.

“Maging conservative po tayo sa paggunita ng mga prusisyon. There are things that we cannot control pero pwede maiwasan. Kung libo-libo ang pupunta sa prusisyon, isa lang sa kanila ang maimpeksyon, tapos magkakadikit-dikit pa sila, pinagpapawisan, nagkakalat na droplets ng laway, delikado po iyan,” aniya pa.

“For the meantime, nakikisuyo po ako, wala pong mga para-parada, wala pong prusi-prusisyon, dahil mahirap pigilan ang tao. At ang tao naman mapapahamak, malalagay sa alanganin,” pakiusap pa ng alkalde.



Samantala, sa panig naman ni Quiapo Church rector Monsignor Hernando Coronel, sinabi nito na magdaraos sila ng maraming misa para sa mga deboto.

“Nagpapasalamat kami sa pagkakataon na narinig ang aming presentasyon para sa Traslacion 2021, at ang mangyayari, napagkasunduan ay hindi matutuloy ‘yung Luneta to Quiapo na may andas na prusisyon. Hindi po matutuloy iyon,” pahayag pa ni Coronel.

“Ang mangyayari po sa January 9 ay patuloy na mga misa, at yung ating mga bikaryo ay ilalagay po natin sa canopy po sa labas ng simbahan,” dagdag pa niya.

Aminado naman si Coronel na ikinalungkot nila ang kanselasyon ng taunang prusisyon, ngunit tiniyak na tatalima sila sa health protocols na itinatakda ng pamahalaan.

“‘Yung physical distancing, kailangan naka-faceshield, naka-face mask, kasama ang regular monitoring ng body temperature, lahat ‘yun susundin natin. Hindi lamang ito sa loob ng simbahan, pati na rin sa labas,” ani Coronel.

Nagpaabot rin siya ng pasasalamat sa suportang ipinagkakaloob ng Manila City government sa Quiapo Church.

“Nagpapasalamat po kami kay Yorme at sa ating partnership with the Manila LGU. We’re trying to come up with ways to have this celebration. Ang ating debosyon ay ipapakita sa pamamagitan ng misa at pagbibigay pugay sa ating Poong Nazareno,” ani Coronel.

“Patuloy po ito, hindi ito nagtatapos. May mga developments pa ito. Itataas pa natin sa IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases). Nagpapasalamat din kami na may 30-percent seating capacity na pwede sa mga simbahan, lalong lalo na sa Quiapo Church kung saan maraming nagsisimba,” sabi pa nito. (ANDI GARCIA)