Advertisers
Iminungkahi ni Atty. Glenn Chong ang paggamit ng hybrid election system sa halalan sa 2022 para matuldukan na ang nangyayaring dayaan sa eleksyon sa bansa.
Ginawa ni Atty. Chong ang pahayag nang maging panauhing pandangal ito sa Meet the Press Report to the Nation Media Forum ng National Press Club ngayong Biyernes.
Ayon kay Chong, ang hybrid election system ay hindi katulad ng Smartmatic na automated dahil ito’y mano-mano pa rin at walang makina sa loob ng presinto.
Paliwanag ni Chong, tao pa rin ang magbibilang nang mano-mano ngunit kapag ita-transmit na ang bilang ng mga boto at balota ay automated na.
Sa ganitong sistema umano’y hindi na maaaring makapandaya o mamanipula ang boto dahil nabilang na nang mano-mano ang mga balota at boto bago pa man ito i-transmit.
Binanggit din nito na hindi na maaaring gamitin ang makina ng Smartmatic sa 2022 dahil posibleng bumagsak na ang mga ito at hindi na tuluyang gagana.
Aniya pa, tatlong board of election inspectors ang magbabantay sa mga presinto kabilang ang chairperson, poll clerk at member.
Ang mungkahi ni Chong na hybrid election ay kahalintulad din umano ng panukala ni Senator Vicente Sotto na inihain sa Kongreso sa ilalim pa ni House Speaker Rep. Allan Cayetano ngunit hindi ito inaksyunan o na-hearing.
Si Senator Imee Marcos lamang aniya ang nagsimulang mag-hearing sa panukala at kapag walang counterpart measures mula sa Kongreso ay wala rin umanong mangyayari sa hybrid election system bill.
Ayon pa kay Chong, dapat na aniyang gawin ang hybrid election para sa isang malinis, makatotohanan at credible na halalan.
Kaugnay nito, sinabi ni Chong na idudulog niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang bagay na ito para sertipikahan nilang urgent bill.
Hinamon din niya ang Commission on Election sa paggamit ng hybrid election system dahil mahigit kalahati ng budget nitong P30.6B para sa eleksyon ang ‘di magagamit.
Idinagdag pa nito na kung tatlong tao lang sa kada presinto at babayaran ang mga ito ng P10K bawat isa, gagastos lang ang Comelec ng P15B at makikinabang pa ang ekonomiya ng bansa sa halip na gastusin ang pera sa pambayad sa dayuhang kompanya.
“Sa Smarmatic, walang benepisyo ang ekonomiya ng Pilipinas. Sa hybrid, matutulungan ang mga kababayan at ekonomiya at matitiyak ang clean, honest and credible election,” ayon kay Chong.
Samantala, sinabi pa ni Chong na anim na heneral na ang kinasuhan niya at hindi siya magpapatakot sa mga ito kahit heneral pa sila.
Aniya, tinadtad ng may 92 tama ng bala ang kanyang sasakyan dahil sa kagustuhan ng mga suspek sa kaso ng pagpatay sa aide nitong si Richard Santillan, na ikinadamay ng kasama nitong si Gessamyn Casing, na paluhurin siya at tigilan na niya itong isyu ng Comelec.