Advertisers
NAGING emosyonal ang sikat na komedyanteng si Romeo Librada alyas “Super Tekla” nang sagutin niya ang mga paratang laban sa kanya ng ka-live-in na si Michelle Lhor Bana-ag.
Ayon sa komedyante, sensitibong usapin ang kanilang pag-aaway kaya dapat pinag-usapan nalang nila ito ng kanilang pamilya.
Pinabulaanan din ni Tekla ang alegasyong gumagawa siya ng mga kahalayan sa harap pa mismo ng mga pamangkin ni Michelle, at sinabing hindi niya ito magagawa dahil may mga kamag-anak din siyang babae.
“Hindi totoo ’yan, ako nasa tamang katinuan pa naman ako, hindi ko magagawa ’yan Michelle. Utang na loob may anak akong babae Michelle, si Aira, may mga kapatid akong babae … Mahirap lang kami Michelle, sa bukid. Alam mo ang background ng family ko,” ani Tekla.
Paliwanag ng komedyante, siya pa nga ang nag-a-adjust sa kanilang relasyon.
“Parte ng pagsasama natin ’yan Michelle, na ipinagkakait mo sa akin. Ginagawa mo akong tanga at timawa d’yan, ’yun ang totoo, pero nag-a-adjust ako kasi nanay ka ng anak ko eh,” sabi ni Tekla.
Hindi rin daw nakakalimot si Tekla sa pinansyal na tungkulin sa kanyang pamilya.
Dagdag pa ni Tekla, hindi niya pinababayaan ang kanilang anak ni Michelle na si Angelo, na ipinanganak na may anorectal malformation dahil siya pa ang nag-asikaso ng operasyon nito.
“Siya (Michelle) ang hindi pumupunta sa ospital,” kuwento ni Tekla. “Ako, kani-kanino ako lumapit ng tulong para mailigtas ‘yang batang iyan dahil hindi mo inalagaan iyan sa sinapupunan mo. Alam mo ang kuwento niyan, Michelle,” giit ng komedyante.
Muling pinabulaanan ng komedyante na gumagamit siya ng iligal na droga, at sinabing handa siyang sumailalim sa drug test para patunayan ito.
Sinabi ni Tekla na ikinagulat niya ang mga naging pahayag ni Michelle.
“Di pa nagsi-sink in ‘yun sa utak ko na gagawin ‘yun sa akin. Unang-una, wala akong kaalam-alam, plinano nilang lahat… kung titingnan mo yung video, wala akong kaalam-alam,” saad ni Tekla.
“Michelle, karapatan mo ‘yun, karapatan mo ‘yun, nung una palang binlock n’yo na ako sa Facebook, wala akong idea nagkalabuan tayo. Gusto mong makipaghiwalay sa akin. Hindi ko pinagsisiksikan ‘yung sarili ko sa inyo, Michelle. Alam mo ‘yan sa sarili mo. Alam mo ‘yan, Michelle. Six years. Magsi-six years, anim ko kayong inaruga. Six years, wasted lahat,” dagdag ni Tekla.