Advertisers
Pinatunayan ng teroristang grupong New People’s Army (NPA) na sila ay talagang samahan ng mga halang ang kaluluwa dahil sila ang kanlungan ng mga mamamatay tao o mga murder suspek.
Tulad na lamang nitong hinahanap ng ating Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na pumatay sa kabaro nating Brigada News FM-Kidapawan Station Manager na si Eduardo Sanchez Dizon – ay nagkubli na pala at sumanib na sa teroristang samahan ng NPA.
May kapal pa ng mukha itong pangunahing suspek sa pagpatay kay Dizon na si Dante Encarnacion Tabusares alias Bong Encarnacion na magpakuha ng litrato, hawak-hawak ang NPA flag sa sinalihan nitong grupo sa Arakan, North Cotabato.
Pinapatunayan ng larawan ni Tabusares na kanlungan ng mga mamamatay tao ang samahang teroristang NPA at hindi totoong ang grupo ay tagapagtanggol ng hustisya. Dahil mismong si Tabusares ay kanilang kinupkop upang takasan ang hustisya sa kanyang pagpaslang kay Dizon. Kasabay ito ng pag-iisyu ng warrant of arrest kay Tabusares ng Kidapawan Regional Trial Court Branch 61 sa sala ni Judge Henelinda Molina-Diaz.
Pinangunahan ni Tabusares bilang mastermind ang pagpaslang kay Dizon, dating konsehal ng Makilala, North Cotabato na nag-blocktimer bilang broadcaster ng lokal na Brigada News. Tinutuligsa ng biktima ang KAPA Community Ministy kung saan coordinator ang suspek sa money market operations ng samahan sa Kidapawan.
Tinambangan ng riding-in-tandem si Dizon at pinaulanan ng bala, na ikinamatay nito on the spot pauwi sa kanyang bahay sa Makilala.
PTFoMS na ating pinamumunuan ang naging daan sa pagsasampa ng kaso laban kay Tabusares at dalawang iba pa na kinilala bilang Junell Andagkit Poten at Sotelo Jacolbe Jr., matapos makausap ang kamag-anakan ni Dizon.
Kinumpirma ang ating paghihinala na sumanib na si Tabusares sa NPA nang magdatingan sa tanggapan ng PTFoMS ang mga intelligence report na ang suspek ay kinanlong na ng NPA.
Ang teroristang samahang ito ay walang ibang kabuluhan kundi kanlungan lamang ng mga kriminal na mga nagtatago sa batas. Maaaring makapag-tago si Tabusares sa likod ng NPA, ngunit sisiguraduhin nating hindi siya makakapagtago sa kamay ng batas at katarungan.