Advertisers
UMABOT na sa kabuuang 310,642 ang bilang ng mga pasyente na gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa case bulletin No. 220 na inilabas ng Department of Health (DOH) hanggang 4:00 ng hapon nitong Martes, Oktubre 20 ay nakapagtala pa sila ng karagdagang 369 recoveries.
Samantala, nadagdagan din ng 1,640 pa ang mga newly-confirmed cases ng COVID-19, sanhi upang umakyat na ngayon sa kabuuang 360,775 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nasa kabuuang 43,443 pa ang aktibong kaso at 83% sa mga ito ang mild cases lamang habang 11.6% ang asymptomatic.
Nasa 2% naman ang severe cases habang 3.4% ang kritikal ang kalagayan.
Sinabi ng DOH na sa mga bagong kaso, pinakamarami ang naitala sa Cavite at Quezon City, na kapwa nakapagtala ng 86 bagong kaso; sumunod ang Batangas na may 69 bagong kaso, Bulacan na may 62 bagong kaso at Maynila na may 61 bagong kaso.
Mayroon namang 17 iniulat na namatay dahil sa sakit kaya’t umakyat na ang total COVID-19 death toll sa Pilipinas sa 6,690.
Mayroon din 34 na duplicates na inalis sa total case count, at sa naturang bilang 26 ang recovered cases at dalawa ang patay.
Mayroon din apat na kaso na unang iniulat na nakarekober ngunit kalaunan ay iniulat na binawian pala ng buhay. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)