Flashflood victims sa Lucena, fire victims sa Mandaue, market vendors sa Cainta inayudahan ni Bong Go
Advertisers
TOTOO sa kanyang pangako, inayudahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga residente ng Lucena City na naapektuhan ng flashflood dahil sa pag-apaw ng Iyam at Dumacaa Rivers dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa Quezon province.
Noong Oktubre, 15, umaabot sa 1,000 residente ang agad dinaluhan ng grupo ng senador at kinabukasan ay karagdagang 1,000 flashflood victims pa ang binigyan ng iba’t ibang tulong.
Sinunod sa pamamahagi ng ayuda ang ipinatutupad na safety at health protocols para matiyak na walang mahahawahan ng virus.
“Nakikiusap lang po ako sa inyo, sumunod tayo sa paalala ng gobyerno sa pagsuot ng mask, face shield, pati ang paghugas ng kamay at social distancing,” ang sabi ni Go
Namahagi si Sen. Go ng mga bisikleta para magamit ng mga benepisyaryo sa kanilang pagparoo’t parito sa pupuntahan o sa trabaho dahil na rin sa kakulangan pa rin ng masasakyan.
“Mayroon din po akong ipinadala diyan na bisikleta, magagamit ninyo po ‘yan sa pagpasok sa trabaho. Sa mga nagtatrabaho para hindi na kayo kailangan sumakay ng mga jeep,” aniya.
Hindi rin niya nakalimutang magbigay ng tablets para sa mga mag-aaral na magagamit sa blended learning na ipinatutupad ng mga eskuwelahan.
“Ang mga magulang natin nagpapakamatay sa pagtatrabaho para po may maipagpaaral lang sa mga anak. At bilang ganti po, kayong mga bata, mag-aral kayong mabuti bilang kunswelo sa inyong mga magulang na nagtatrabaho para sa inyo. ‘Yun lang po ang magpapasaya sa bawat magulang na mag-aral po nang mabuti ang kanilang mga anak,” sabi ng senador.
“‘Wag po kayong mag-atubiling lumapit sa amin ni Pangulong Duterte dahil trabaho po namin ang magserbisyo sa inyo. Magbayanihan at magmalasakit po tayo sa kapwa nating Pilipino para umayos muli ang ating kabuhayan at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay,” dagdag niya.
Samantala, dalawang barangay naman sa Mandaue City, Cebu na biktima ng sunog noong Oktubre 9 ang pinadalhan ng ayuda ni Sen. Go.
Namahagi ang grupo ng senador ng mga gamot, financial assistance, food packs, masks at face shields sa 73 pamilya na binubuo ng 283 indibidwal mula sa Barangays Paknaan at Labogon.
“Pakiusap po, magtiis muna po tayo. Hindi po kayo pababayaan ng gobyernong ito. Patuloy lang tayong magbayanihan at magmalasakit sa kapwa upang malampasan itong pagsubok na ito bilang isang nagkakaisang bansa,” ang pakiusap ng mambabatas.
Naroon din ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development at namahagi ng karagdagang financial assistance sa mga nasunugan.
Tinataya namang 980 public market vendors ang masaya ring nakatanggap ng tulong mula sa senador sa One Arena Cainta sa Cainta, Rizal.
“Malapit sa puso ko ang mga nasa palengke. Papaalalahanan ko lang kayo na ingat po tayo parati. Sumunod po tayo sa health protocols dahil delikado pa po ang panahon ngayon,” ayon sa senador.
Pinayuhan niya ang mga market vendors na kung kinakailangan ay magtungo at lumapit sa bagong bukas na ika-87 Malasakit Center sa Bagong Cainta Municipal Hospital kapag nangangailan ng financial at medical assistance. (PFT Team)