Advertisers
HALOS magtatatlong dekada na simula nang problemahin ng mga maliliit na mangingisda sa Taal Lake, Batangas ang tila kabuteng pagsusulputan ng mga iligal na baklad o fish cages, ngunit mistulang inutil at bulag pa rin ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa mga naturang ilegalista.
Batay sa datus, noon pa mang taong 1993 ay nag-aalburuto na ang mga marginal fisherman pagkat umaabot na sa 1,271 ang bilang ng mga naipatayong baklad , karamihan naman ay iligal at walang permiso sa Lawa ng Taal na kinikilalang pangatlo sa pinakamalaking lake sa bansa.
Sa panahong yaon ang mga bayan na nasasakupan ng Laurel at Agoncillo ang may pinamalaking na bilang ng fish cages na pag-aari ng mga maiimpluwensyang pamilya at pulitiko sa lalawigan ng Batangas.
Ilang mga pinuno ng bayan na nakapaligid sa Taal lake ang kunyari ay umakda ng ordinansa na nagbabawal sa pagtatayo ng baklad sa nasabing lawa ngunit patuloy namang nilabag ang nasabing batas, at sa halip ay lalong naragdagan ang bilang ng mga ideneklarang illegal fish cages.
Ang Lawa ng Taal ay napaliligiran ng tinatawag na Taal Lakeshore Areas- Lipa City, Tanauan City at mga munisipalidad ng Alitagtag, Cuenca, Mataas na Kahoy, Balete, Talisay, Laurel, Agoncillo, San Nicolas, at Sta. Teresita.
Hanggang noong 1995 ay may naitala nang 3,101 ang nag-ooperate na fish cages sa lawang pinamamahayan ng malinamnam na Maliputo, Tawilis, Tilapia, bangus at iba pang fresh water species.
Halos kalahati naman sa bilang ng nasabing baklad ay walang kaukulang permiso mula sa DENR at maging sa local goverment unit.
Kaya naman sa pagnanais na masupil ang operasyon ng mga iligal na fish cages ay nagtatag ang pamahalaan ng National Integrated Protected Area System (NIPAS) noong 1996.
Kasunod ng pag-oorganisa ng NIPAS ay ideneklara ding protected area ang kabuuan ng humigit-kumulang sa 24, 400 ektaryang Lawa ng Taal.
Ngunit wala naman palang ngipin, kulang sa pondo, walang maayos na tanggapan at lima lamang ang empleyadong itinatalagang lake rangers para pangalagaan ang lawa laban sa mga iligal na mangingisda lalo na sa nagmamantine ng mga illegal fish cage.
Mantakin nyo mga KASIKRETA, sa kabila ng labag sa batas ang pag-ooperate ng maraming fish cage sa Taal Lake ay umabot sa 6,796 noon pa lamang June 2008 ang bilang ng mga gumaganang mga baklad sa kalakhan ng Lawa ng Taal.
Maging ang itinuturing 65 na ektaryang fish sanctuaries na Taal Volcano Protected Landscape (TUPL) ay inokupa na din ng maraming walanghiyang fish cage operators.
Dito natin mahihinuha kung paanong nagpabaya at nagbulag-bulagan ang tanggapan ng DENR para sugpuin ang operasyon ng illegal fish cages.
Sa taong ito ay tinatayang may humigit-kumulang na sa 11,000 fish cages o baklad ang kumikilos sa Taal karamihan ay walang DENR at local government permit to operate. Ngunit isa man sa mga illegal fish cage operators ay walang nabalitang nakasuhan ang DENR.
Ipinagbabawal na nga noon pa mang 1993 ang pag-ooperate ng karamihan sa mga baklad, ibig sabihin kung may nakapagtayo ng fish cages sa mga sumunod na mga taon o hanggang sa kasalukuyan ay kinukunsidera na din itong bawaaaal!!!
Ang maugong na isyu naman ngayon, ay kung ligal daw ba ang pagpapatayo kamakailam ng fish cage sa nasasakupan ng bayan ng Alitagtag ng isang maimpluwensyang pulitiko ng naturang bayan.
Matindi ang illegal fish cage operator na si Konsehal pagkat pinagbabawalan pa nito at ng kanyang armado ng baril na bantay na mamingwit ng isda ang mga kababayan nitong maliit na mangingisda sa bayan ng Alitagtag.
Ipinagmamalaki ng hinayupak na konsehal at ng ex-convict nitong alalay na may permit kuno ito mula sa Region 4-A DENR office at maging ng Provincial at Municipal CENRO para makapagtayo at mag-operate ng baklad o fish cage.
CALABARZON Regional Executive Director Nonito M. Tamayo, totoo ba ang idinadakdak nitong dorobong Konsenghal ng bayan ng Alitagtag, Batangas na inisyuhan ito ng inyong tanggapan ng Certificate of Compliance at Permit to Operate ng baklad o fish cage sa nagsisiksikan nang Taal Lake?
Tawagan din natin ang pansin ni DENR Seretary Roy Cimatu at ang ating katoto sa panulat na ngayon ay DENR Usec. Benny Antiporda para tapyasin ang bagwis nitong si Konsehal!
Sandamakmak na po ang mga iligal na baklad sa Taal Lake para idagdag pa ang panibagong kailigalan nitong si Konsehal? Abangan ang karugtong…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.