Advertisers
DODOBLEHIN na ng Metro Rail Transit Line – 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), at Philippine National Railways (PNR) ang kapasidad ng kanilang bumibiyaheng tren araw-araw sa gitna ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic simula bukas (Okt. 19).
Pahayag ito ni Department of Transportation (DoTr) Arthur Tugade kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang rekomendasyon ng economic development council na tulungang maka-recover ang ekonomiya.
Kasunod nito, nagkaroon ng adjustment sa nakalagay na social distancing marks sa loob ng tren.
Sa pagtaas ng train capacity, kaya nang makasakay ng 372 pasahero sa kada train set sa MRT-3.
Aabot naman sa 370 pasahero ang kayang mapasakay sa bawat train set sa LRT-1 habang 486 pasahero naman sa bawat train set ng LRT-2.
Sa PNR, nasa 179 commuter ang kayang ma-accommodate sa kada train set para sa DMU ROTEM model; 167 sa kada train set para sa the DMU 8000; 228 sa kada train set para sa DMU 8100; at 302 pasahero naman sa kada train set para sa EMU model.
Siniguro naman ng kagawaran na patuloy pa rin ipatutupad ang “7 Commandments” o health protocols sa loob ng public transport upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Gayundin ay magde-deploy ng train marshals sa mga istasyon at loob ng tren.