Advertisers

Advertisers

Manila North Cemetery isasara sa Oktubre 29

0 241

Advertisers

NANAWAGAN ang pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) sa publiko na dumalaw na sila sa mga namayapa nilang mahal sa buhay bago pa man ipasara ang lahat ng sementeryo at kolumbaryo alinsunod narin sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang mapanatiling ligtas sa COVID-19 ang publiko.
Nauna nang sinabi ni MNC Director Roselle “Yayay” Delos Reyes na may panahon pa upang makadalaw sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay basta’t sundin lamang ng mga ito ang health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask/face shield at pagpapanatili ng physical distancing.
Aniya, isasara ang MNC sa Oktubre 29 hanggang Nob. 4, alinsunod sa panuntunan ng IATF.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Delos Reyes na bagama’t sarado ang sementeryo sa lahat ng dadalaw ay tuloy naman ang operasyon nila sa paglilibing at pag-cremate.
Ayon kay Delos Reyes, sa paglilibing, hanggang 30-katao lamang ang maaaring makapasok sa sementeryo at mahigpit na ipatutupad ang physical distancing lalo na ang pagsusuot ng facemask.
Mahigpit din na ipinagbabawal na makapasok sa MNC ang mga bata partikular na ang edad 20 pababa gayundin ang mga senior citizen.
Ipinagbabawal din ang pagdadala ng alak, gamit na pang-sugal, at maiingay na kagamitan sa loob ng North Cemetery. Sa oras na masita ng mga nakatalagang awtoridad sa MNC ang mga bitbit nilang gamit na kabilang sa ipinagbabawal ay agad itong kukumpiskahin. (Jocelyn Domenden)